Simula na ngayong araw ang 2017 Balikatan joint military exercises ng mga sundalo ng Pilipinas at Amerika.
Idaraos ang opening ng joint military exercises sa main headquarters ng Armed Forces of the Philipines (AFP) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City ngayong Lunes ng umaga.
Ayon kay Maj. Frank Sayson, tagapagsalita ng Pilipinas sa Balikatan, matataas na opisyal ng Department of National Defense (DND) at military, sa pangunguna nina Defense Secretar Delfin Lorenzana at AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, ang dadalo sa opening ceremonies.
Dadalo rin sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at US Ambassador Sung Kim sa seremonya bilang mga panauhin.
Sinabi ni Sayson na Single Scenario Concept (SSC) ang Balikatan para sa taong ito, taliwas sa mga nakalipas na Balikatan, dahil tututukan ng sisimulang joint military exercises ang Humanitarian Assistance and Disaster Response, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte.
“Napagkasunduan na hindi lamang tungkol sa kakayahan sa paglaban ang hinahasa sa military drills, kungdi maging ang kapabilidad sa disaster response, lalo na kapag tumama ang malakas na lindol at pagbayo ng bagyo,” pahayag ni Sayson.
Isasagawa ang Balikatan sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang sa Aurora, Isabela, Batanes, Cagayan, Samar, at iba pa. (Beth Camia)