LUMIKHA ng malaking upset si one-time world title challenger Jerry Tomogdan ng Pilipinas nang mapatulog niya sa 6th round ang world rated na Hapones na si Riku Kano upang maangkin ang bakanteng WBO Asia Pacific minimumweight title kamakalawa ng gabi sa Bunka Center, Sanda, Hyogo, Japan.
Inaasahang magbabalik ang tubong Bukidnon na si Tomogdan sa world rankings dahil nakalista si Kano na No. 10 contender kay WBO minimumweight titlist Tatsuya Fukuhara ng Japan at No. 14 kay IBF mini-flyweight champion Jose Argumedo ng Mexico.
Nakipagsabayan ang 23-anyos na si Tomogdan kay Kano na lumaban sa harap ng mga kababayan nito nang matiyempuhan niya ng kombinasyon ang Hapones sa ikaanim na round at hindi na ito nakabangon.
Minsan nang lumaban si Tomogdan sa world title bout noong 2015 ngunit napatulog siya sa 9th round ni WBC strawweight beltholder Wanheng Menayothin ng Thailand sa sagupaang ginanap sa Bangkok.
Napaganda ni Tomogdan ang kanyang rekord sa 23-8-4, tampok ang 11 knockouts samantalang bumagsak ang kartada ng 19-anyos na si Kano sa 11-3-1. (Gilbert Espeña)