Pumalag kahapon si Senator Panfilo Lacson, kasapi ng pro-Duterte majority bloc sa Senado, sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules na may kinalaman ang lobby money sa pagkakabasura ng Commission on Appointments (CA) sa pagkakatalaga kay Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“While I am sure the President’s ‘money lobby talks’ does not apply to me and I have already cited my reasons for rejecting Miss Lopez, I think it is unfortunate, if not appropriate and uncalled for,” sabi ni Lacson.
“It is a sweeping assault not only on the integrity of the members of the CA who voted for rejection but the CA itself, being an independent constitutional body,” paliwanag niya.
Matatandaang binigo nitong Miyerkules ng CA ang kumpirmasyon sa appointment ni Lopez, na labis na ginalit ang multi-bilyong pisong industriya ng pagmimina nang ipasara niya ang mahigit 20 minahan at kanselahin ang mahigit 70 kontrata.
“I am almost sure, those members who are his staunchest allies in both Houses of Congress, will not cast their votes without first seeking his guidance. Just to be clear, I am not referring to myself in this regard,’’ dagdag pa ni Lacson.
Sa sekretong pagboto ng mga kasapi ng CA—na binubuo ng 12 kongresista at 12 senador—ay 16 ang nagbasura sa appointment ni Lopez, habang walo naman ang nag-apruba sa kanya. Ang walo ay pawang mula sa Senado.
Sa kanyang talumpati nitong Huwebes, sinabi ni Duterte: “Sayang si Gina (Lopez). But…you know how it is. This is democracy and lobby money talks. I do not control everything. I am the head of the Executive department.’’
Pinili naman ng mga miyembro ng CA mula sa Kamara na huwag nang pansinin ang hindi direktang akusasyon ni Duterte ng bribery sa naging desisyon ng komisyon laban kay Lopez.
Gayunman, itinanggi nina Isabela Rep. Rodito Albano at A-Teachers Party-list Rep. Juliet Cortuna na may kinalaman ang lobby money sa pagbasura nila sa appointment ni Lopez, bagamat ayaw nilang magdetalye pa.
Kasabay nito, nangako naman si Magdalo Party-list Gary Alejano na isusulong niya ang imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan sa likod ng akusasyon ng Presidente. (MARIO B. CASAYURAN at BEN R. ROSARIO)