Cavs, abante sa 2-0; Spurs, rumesbak sa Rockets.

CLEVELAND (AP) — Isa pang hindi malilimot na laro ni LeBron James. Panibagong kasaysayan sa impresibong NBA career.

Kumawala ang four-time MVP sa nakubrang 39 puntos para sandigan ang Cleveland Cavaliers sa dominanteng 125-103 panalo kontra sa Toronto Raptors at lagpasan ang basketball icon na si Kareem Abdul Jabbar sa No.2 sa scoring list sa playoff nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nalagpasan ni James ang 5,762 puntos na naitala ni Jabbar at tanging ang marka ni Michael Jordan (5,987) ang naghihintay para malagpasan ni James, nagtatangka para makausad sa ikapitong sunod na NBA Finals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tangan ng Cavs ang 2-0 bentahe sa Raptors sa best-of-seven Eastern Conference semi-final.

Patuloy ang pagusad ni James sa scoring list na kasalukuyan ngayong nasa ikapito sa regular season tangan ang 28,787 puntos. Nangunguna sa naturang departamento si Abdul-Jabbar na may 38,387 puntos.

Gaganapin ang Game 3 sa Biyernes (Sabado sa Manila) sa Toronto Air Canada Centre.

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 22 puntos at 11 assist, habang tumipa si Channing Frye ng 18 puntos para sa Cleveland na matikas sa 6-0 sa kanilang kampanya na maidepensa ang titulo.

SPURS 121, ROCKETS 96

Sa San Antonio, nakabawi ang Spurs sa Houston Rockets para maitabla ang serye sa 1-1, ngunit hindi pa malinaw kung makalalaro si Tony Parker sa Game 3 matapos mapinsala ang kanang tuhod.

Hataw si Kawhi Leonard sa naiskor na 34 puntos, walong assist at pitong rebound para maisalba ang dikitang laban at ang pagkawala ni Parker sa final period.

Binuhat patungo sa locker room si Parker may 8:43 ang nalalabi sa laro. Ayon sa opisyal ng Spurs, sasailalim ito a MRI para masiguro ag bigat ng pinsala.

Nag-ambag si Parker ng 18 puntos at apat na assist.

Nanguna sa Houston si MVP candidate James Harden sa nakopong 13 puntos mula sa 3-for-17 shooting.