HINDI pala napag-usapan nina President Rodrigo Roa Duterte at Indonesian Pres. Joko Widodo ang kaso ng Pinay na si Mary Jane Veloso na nakatakdang bitayin dahil sa pagiging drug courier. Ang dalawang leader ay abala sa pag-uusap tungkol sa higit na mahahalaga at seryosong isyu sa terorismo, pamimirata, kidnapping at illegal drugs.

Bago sila nagkita at nag-usap ni Widodo, sinabi ni Mano Digong na tatangkain niyang talakayin sa Indonesian President ang kaso ni Veloso at ang posibleng pagkakaloob ng clemency o kapatawaran sa convicted drug trafficker. Si PDu30 ay kilala sa pagiging sensitibo tungkol sa illegal drugs. Galit siya sa mga drug pusher at user. Kung siya ang masusunod, itutumba niya ang lahat ng tulak at adik. Eh, papaano naman Mr. President ang big time drug suppliers at mga panginoon ng droga na hanggang ngayon ay hindi pa bumubulagta sa lansangan o sa kanilang mala-palasyong tirahan?

Nagiging kontrobersiyal si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II. Sa pinakahuling balita, inaakusahan siya ni gambling operator Charlie “Atong” Ang sa planong pagpatay sa kanya dahil sa isyu ng Small Town Lottery (STL) operations sa pamamagitan umano ng kanyang kapatid na si Ogie Aguirre. Dinadala raw ni Ogie ang STL investors sa Batangas. May mga report din daw na may mga operasyon sila sa Laguna at Bicol.

Si Sec. Vit Aguirre din ang humakot noon sa mga convicted felon at drug lords mula sa National Bilibid Prisons (NBP) para tumestigo sa House committee on justice laban kay Sen. Leila de Lima. Siyempre pa, tumestigong lahat ang hinakot na mga bilanggo laban kay ex-DoJ Sec. De Lima sapagkat kung hindi sila tetestigo na siya ay sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga sa oblo, eh ano pa ang silbi nila? May punto pang pinagpiyestahan ng mga kongresista ang love affair nina De Lima at bodyguard-driver-lover Ronnie Dayan. May ilan pang bastos na mambabatas ang nagtanong kay Dayan kung gaano ang “intensity” ng kanilang pagtatalik.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

‘Di ba si Secretary Toupee, este Sec. Aguirre, ang unang nagbunyag na siya’y tinangkang suhulan noon ni gambling-online operator Jack Lam? Sabi niya noon hindi raw puwedeng ihabla si Lam kasi tangka pa lang daw. Sabi ng taumbayan, eh bakit hindi niya pina-set up para nahuli sa panunuhol? Sa dakong huli, ang nahuli sa akto na may bitbit na mga bayong ng limpak-limpak na pera (P50 million) ay ang dalawang deputy ng Bureau of Immigration, huling-huli sa CCTV ng City of Dreams Resorts and Casino.

“Gumagawa lang ng istorya ‘yan laban sa akin,” sabi ni Aguirre. “Totally, completely and absolutely untrue. All lies and fabrications. I categoricall deny all the accusations of Atong Ang.”

‘Di ba sabi noon ni PRRD kahit bahagyang singaw (whiff) lang ng kurapsiyon o bulong ng katiwalian sa alin mang departamento ng gobyerno, agad niyang sisibakin ang hepe nito?

Samantala, sinabi ni ex-DFA undersecretary at ex-Ambassador to the United Nations Lauro Baja, Jr., mali si Pres. Rody sa hindi pagbanggit sa arbitral ruling sa Asean Summit. Kailan ang tamang panahon para banggitin ang paborableng desisyon ng korte sa The Hague, Netherlands tungkol sa karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryo natin sa West Phil. Sea? tanong ni Baja.

Hintayin at abangan na lang natin kung tama o mali ang desisyon ni Pres. Rody tungkol sa isyu ng WPS at ng dambuhalang China na patuloy sa pag-okupa sa mga reef at shoal na saklaw ng EEZ ng ating bansa. (Bert de Guzman)