MAY kasabihan na “kalabaw lang ang tumatanda”. Ngayong panahon ng graduation, pinatunayan ito ng dalawang matanda na parehong “septuagenarian” na nakapagtapos ng kurso sa kolehiyo at sa high school. Sila ay sina Armando “Tatay” Albes, Sr., 78; at Salvacion “Sally” Nacario, 79. Si Albes ay nagtapos ng Political Science (Major in Local Gov’t Administration) sa University of Makati habang si Nacario ay nagtamo ng Junior High School Certificate sa Fort Bonifacio High School.
Ang dalawa ay kapwa residente ng West Rembo, Makati City, at nagmartsa para tanggapin ang kani-kanilang diploma. Si Albes, ayon sa report, ay empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa loob ng 25 taon.
Hinihikayat niya ang mga kabataan na mag-aral at magpursige para makatulong sa kabutihan ng bansa. Si Nacario naman ay biyuda ng isang kawal na tumigil sa high school noon dahil sa pamilya. Ambisyon pa rin niyang makatapos ng kolehiyo.
Bukambibig ni President Rodrigo Roa Duterte ang mga salitang “I will kill you.” Sinabi ni lawyer Jude Josue Sabio, ang naghain ng kasong criminal laban sa Pangulo sa International Criminal Court (ICC), na kapag sinabi ni PDu30 na “I will kill you”, ito ay hindi lang isang rhetoric kundi tinototoo niya.
Sinampahan ng kaso si Mano Digong sa ICC dahil umano sa pagpatay (extrajudicial killings) sa maraming tao sa Davao City noong siya ang alkalde ng lungsod, at ngayong siya na ang pangulo kaugnay naman ng pagpatay sa libu-libong suspected drug pushers at users. Si Sabio ang abogado ni Edgar Matobato, hitman umano ng Davao Death Squad (DDS), na nagsangkot kay Duterte na nasa likod ng maramihang pagpatay.
Bilang reaksiyon, balak ni Solicitor General Jose Calida, kabilang sa 11 opisyal na kasama ni Duterte na kinasuhan ni Sabiosa ICC, naipa-disbar ang abogado. Ayon kay Calida, may ugali si Sabio na maghain ng malisyosong kaso batay lamang sa hearsay at walang basehang sapantaha.
Umaasa naman ang Malacañang na hindi pakikinggan ng ICC ang kasong “crimes against humanity” na isinampa laban kay Pres. Rody ng mga confessed murderer (Matobato at Lascañas) sa pamamagitan ni Sabio. Nais ng abogado na imbestigahan ang Pangulo at 11 pang opisyal hinggil umano sa pagpatay sa 1,400 katao sa Davao City at pagpatay sa may 7,000 tao sapul nang ilunsad ni Mano Digong ang kanyang drug war.
Ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella, hindi uusad o pakikinggan ng ICC ang impormasyon na isinumite ni Sabio para imbestigahan sapagkat pawang haka-haka lang ito. “It would really be deeply disappointing if the court took the word of admitted murderers as the basis for action against a head of state who was democratically elected by the Filipino people,” ayon kay Abella.
Kung sa Philippine National Police (PNP) ay may ilang opisyal na umano’y “Sleeping with the Enemy”, tiniyak naman ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na wala silang pinuno o tauhan na sangkot sa kawalang-hiyaan ng bandidong Abu Sayyaf. May pangamba at duda kasi ang taumbayan na baka infiltrated na rin ang AFP tulad ng nangyari sa pagkakadakip kay PNP Supt. Maria Cristina Nobleza na umano’y “romantically involved” sa isang Abu Sayyaf bomb maker. Komento ng isang netizen: “’Yun kaya ay talagang dahil sapag-ibig o dahil sa L lamang?” Ano sa palagay ninyo? (Bert de Guzman)