Untitled-1 copy copy

Spurs at Raptors, sumirit sa semifinals.

NASHVILLE, Tennessee (AP) — Hindi na pinaporma ng San Antonio Spurs ang Memphis Grizzlies sa sariling teritoryo at itarak ang 103-96 panalo sa Game 6 nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) para makausad sa Western Conference semifinals.

Hataw si Kawhi Leonard sa natipang 29 puntos para sandigan ang Spurs sa 4-2 bentahe ng kanilang best-of-seven series.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nag-ambag si Tony Parker ng 27 puntos mula sa 11-of-14 shooting, habang kumana si LaMarcus Aldridge ng 17 puntos at 12 rebound. Kumubra si Patty Mills ng 10 puntos mula sa bench ng Spurs.

Naungusan ng San Antonio ang Memphis sa rebound, 46-28, tampok ang 16 sa offensive board, na nagbunga ng 17 second-chance points.

Makakaharap ng Spurs sa semifinal ang naghihintay na Houston Rockets, umusad matapos pabagsakin ang Oklahoma City Thunder, 4-1. Nakatakda ang Game 1 sa Lunes (Martes sa Manila).

Nanguna sa Memphis si Mike Conley sa nahugot na 26 puntos, habang kumana sina Marc Gasol ng 18 puntos, at tumipa si Zach Randolph ng 13 puntos at 11 rebound, at humirit si Vince Carter ng 12 puntos.

RAPTORS 92, BUCKS 89

Sa Milwaukee, nabitiwan ng Toronto Raptors ang kapit sa 25 puntos na bentahe sa third period, ngunit nagpakatatag sa krusyal na sandali para gapiin ang Bucks at tapusin ang kanilang Western playoff series sa Game 6.

Ratsada si DeMar DeRozan sa naisalansan na 32 puntos para sandigan ang Raptors sa 4-2 bentahe sa first round playoff.

Kumubra si Cory Joseph ng limang puntos sa naibabang 9-0 run ng Raptors sa huling dalawang minuto, kabilang ang three-pointer may 1:27 sa laro.

Makakatunggali ng Raptors sa Eastern Conference semifinal ang defending champion Cleveland Cavaliers. Magsisimula ang Game 1 sa Lunes (Martes sa Manila).

Naisalpak ni Jason Terry ang three-pointer may 3:06 ang nalalabi para maidikit anng Bucks sa 80-78 para makumpleto ang pagbalikwas mula sa 25-puntos na bentahe, 76-46, ng Raptors sa third period.

Nanguna si Giannis Antetokounmpo sa Bucks na may 34 puntos.