BATANGAS - Limang katao ang napatay sa umano’y engkuwentro sa one-time big-time (OTBT) operations ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar sa Batangas kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Batangas Police Provincial Office (BPPO) acting director Senior Supt. Randy Peralta, ikinasa ng pulisya ang mga operasyon laban sa ilegal na droga at baril sa bisa ng 66 na search warrant.
Nakilala ang mga napatay na sina Ariel Bautista, mula sa bayan ng Mabini; Jay Marasigan, taga-Balayan; August Ite, ng Bauan; Wilfredo De Castro, ng Nasugbu, pawang subject ng search warrants sa pag-iingat ng ilegal na droga; at Roderick Villadolid, taga-Mataas na Kahoy, na may search warrant naman sa droga at baril.
Nasa 10 katao naman ang naaresto sa nasabing operasyon, habang nasa 50 sachet ng hinihinalang shabu, 13 iba’t ibang kalibre ng baril, dalawang granada at mga bala ang nakumpiska rin. (Lyka Manalo)