Kawhi Leonard,Marc Gasol

Rockets, sumirit sa semifinals; Spurs at Jazz, abante sa 3-2.

HOUSTON (AP) — Sa labanan para sa team survival sa NBA playoffs, mas nanaig si James Harden sa karibal sa MVP award na si Russel Westbrook.

Nagsalansan ng 34 puntos ang tinaguriang ‘The Beardman’ at matikas ang suporta ng starters para sandigan ang Houston Rockets sa 105-99 panalo kontra sa Oklahoma City Thunder para tapusin ang kanilang Western Conference first round playoff sa Game 5 nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kumubra si Westbrook ng 47 puntos, ngunit hindi ito sapat para maiangat ang Thunder na tuluyang nasibak sa playoff matapos makausad sa Western Conference finals sa nakalipas na taon.

Umusad ang Rockets sa conference semifinal tangan ang 4-1 panalo sa kanilang best-of-seven series.

SPURS 116, GRIZZLIES 103

Sa San Antonio, iba ang enerhiya ng Spurs sa harap ng home crowd at sa pangunguna ni Kawhi Leonard na tumipa ng 28 puntos, rinesbakan ang Memphis Grizzlies para sa 3-2 bentahe ng kanilang series.

Naitala ng San Antonio ang impresibong 14-for-28 sa three-point area, tampok ang postseason record na 5-for-7 ni Patty Mills, tumapos na may 20 puntos, habang nag-ambag si Tony Parker ng 16 puntos.

Nanguna si Mike Conley sa Grizzles sa nakubrang 26 puntos at umiskor si Marc Gasol ng 17 puntos.

Balik ang aksiyon sa Memphis para sa Game 6 sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

JAZZ 96, CLIPPERS 92

Sa Los Angeles, muling sinandigan ang Utah Jazz ng krusyal jumper ng beteranong si Joe Johnson sa krusyal na sandali para malusutan ang Clippers at kunin ang 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven first round series.

Nanguna si Gordon Hayward sa Jazz sa nahugot na 27 puntos.

Hataw si Johnson sa third period at nagawang maisalpak ang pahirapang tira sa krusyal na sandali para maitakas ang panalo matapos mabitiwan ng Jazz ang 11 puntos na bentahe sa final period.