Inamin ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na hindi pa rin magagamit sa loob ng tatlong taon ang 48 bagong light rail vehicle (LRV) na binili ng nakalipas na administrasyon para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) dahil sa kawalan ng signaling system ng mga ito.

“Ang problema ng Dalian train—this is P3.8 billion—hindi magamit sapagkat walang signaling system,” sinabi ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez sa panayam sa telebisyon.

Ang mga naturang LRV ay matatandaang binili ng nakalipas na administrasyon mula sa Dalian Locomotive & Rolling Stock Co. sa China.

Malinaw din umano ang instruksyon ni DOTr Secretary Arthur Tugade na huwag gagamitin ang LRVs kahit pa maayos na ang problema sa signaling system kung wala itong international independent party certificate.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Sa panahon ko wala kaming binabayaran at maliwanag sa instruksyon ni Secretary Tugade, ‘wag na ‘wag gamitin even assuming na maayos ang signaling system, ‘wag na ‘wag gagamitin ito kung walang international independent party certificate,” ani Chavez. “Hindi po magagamit ang 48 trains na ito nang buong-buo sa loob ng halos tatlong taon.”

Sa kabila nito, sinabi ni Chavez na madadagdagan pa rin ang kapasidad ng mga tren ng MRT-3 dahil plano ng DOTr na magdagdag ng mga bagon sa mga tren na may tatlong bagon lamang.

Samantala, kahapon ay muling nagbaba ng mga pasahero ang isang tren ng MRT-3 sa Cubao Station dahil sa pagdanas ng panibagong technical problem, dakong 7:22 ng umaga.

Inilipat na lamang ang mga pasahero sa kasunod na tren. - Mary Ann Santiago