TATANGKAIN ni two-division world titlist Donnie Nietes na makuha ang ikatlong dibisyon sa boksing sa pagkasa kay Komgrich Nantapech ng Thailand sa Abril 29 sa Waterfront Cebu City and Hotel Casino sa Cebu City para sa bakanteng IBF flyweight crown.

Sa ika-40 edisyon ng Pinoy Pride ng ALA Promotions na binansagang “Domination,” nangako si Nietes na patutulugin si Nantapech upang maging ikatlong Pilipino na three-division world titlist matapos sina eight-division champion Manny Pacquiao at five-division world beltholder Nonito Donaire, Jr..

Taglay ni Nietes ang karangalan bilang pinakamatagal na naging kampeong pandaigdig nang tuloy-tuloy na dating hawak ni WBC junior lightweight champion Gabriel “Flash” Elorde at nalagpasan niya noong 2016 nang bitiwan ang WBO light flyweight crown.

Huling natalo si Nietes noong Setyembre 28, 2004 sa kontrobersiyal na 10-round split decision kay two-time world title challenger Angky Angkota nang magsagupa sila sa Jakarta na overweight ng anim na pounds ang Indonesian.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I feel ready for the fight on April 29,” sabi ni Nietes sa Fightnews.com. “I have a very good feeling about this fight, because I’ve trained longer. I put in more time and focus, because I want to give a good performance. This is only my second flyweight match, but I’m confident I will be able to deliver a knockout.”

Nangako naman si Nantapech na gagamitin ang kanyang pagiging eksperto sa Muay Thai boxing para ma-upset si Nietes na hindi pa natatalo sa mga boksingero mula sa Thailand.

May rekord si Nantapech na 22-3-0 win-loss-draw na may 15 panalo sa knockouts at huling natalo noong Oktubre 26, 2013 sa puntos sa Pilipinong si Froilan Saludar sa Makati City.

Bukod kay Nietes, nag-aambisyon ding maging three-division world titlist si dating IBF light flyweight at flyweight champion Johnriel Casimero na nakalistang No. 4 sa IBF at No. 8 sa WBC sa super flyweight division. (Gilbert Espeña)