Humarap na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng Leomarick Transport na ang pagkakahulog ng minibus unit nito sa 100-talampakang bangin sa Carranglan, Nueva Ecija ay ikinasawi ng mahigit 30 katao at ikinasugat ng nasa 40 iba pa.

Hinarap ni Leonardo Patulot, operator ng Leomarick bus, si LTFRB Board Member Aileen Lizada sa Nueva Vizcaya nitong Miyerkules at iginiit na hindi totoong walang alternative driver si Rolando Mangaoang, na kabilang sa mga nasawi sa aksidente.

Una nang pinagpapaliwanag ng LTFRB si Patulot dahil sa overloading ng minibus at sa kawalan ng karelyebo ng driver nito.

Ayon kay Lizada, iginiit ni Patulot na nakaantabay ang alternative driver ni Mangaoang, ngunit bumaba sa Nueva Ecija ang nasabing relyebo habang patungo ang bus sa Candon City dahil sa “urgent matters”.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Maybe it’s an excuse to say that they have an alternate driver. Kaya nga alternate kailangan nandiyan ka. This is a more-or-less 14-hour trip with a 559-kilometer distance, hindi ka ba naman mapagod,” sinabi ni Lizada sa panayam sa telepono.

SUSPENDIDO LAHAT

Kinumpirmang ito ang unang beses na nasangkot sa aksidente si Mangaoang, sinabi rin ni Lizada na patuloy pa ang imbestigasyon ng LTFRB sa hinalang overloading sa bus na kayang magsakay ng 56 na tao, ngunit mahigit 70 na ang bilang ng pulisya sa mga nasawi at nasugatan sa aksidente.

Sinabi rin ni Lizada na bukod sa naunang 30-araw na suspensiyon sa Leomarick Transport, magpapalabas siya ng panibagong suspension order matapos kumpirmahin ni Patulot na mayroon itong tatlo pang prangkisa para sa apat na bus unit na biyaheng hilagang Luzon.

AYUDANG PINANSIYAL

Dagdag pa ni Lizada, nangako si Patulot na makikipagtulungan sa mga kinauukulan upang mabigyan ng ayudang pinansiyal ang pamilya ng mga nasawi at nasugatan.

Aniya, ibibigay bukas, Sabado (Abril 22) sa unang batch ng mga naulilang pamilya ang P200,000 tulong pinansiyal sa tanggapan ng LTFRB sa Bayombong, Nueva Vizcaya, simula 2:00 ng hapon, habang sa Martes (Abril 25) naman ibibigay ang para sa ikalawang batch.

MAS MATINDING PARUSA

Kaugnay nito, nais ni Senator JV Ejercito na magpataw ng mas mataas na multa para sa overloading ng mga pasahero.

“Republic Act No. 4136 or the Land Transportation and Traffic Code is an outdated law which needs to be reviewed. We were able to pass the Speed Limiter Act during the 16th Congress, I think it is high time to pass an amendment with respect to the violation of the prescribed maximum capacity of public utility vehicles,” ani Ejercito, vice chairman ng Senate public services committee.

Sa nasabing batas, pagmumultahin lang ng P2,000-P3,000 at sususpendihin ang Certificate of Public Convenience ng lalabag sa una at ikalawang pagkakataon. (Vanne Elaine Terrazola, Rommel Tabbad, Jun Fabon at Leonel Abasola)