ANG pagpugot ng Abu Sayyaf Group (ASG) kay Noel Besconde, sa aking paningin, ay isang insulto hindi lamang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kundi maging sa Philippine National Police (PNP) at sa iba pang ahensiyang panseguridad ng ating gobyerno. Mistulang nanghahamon pa ang naturang mga bandido na walang patumangga sa pagdukot ng mga sundalo at mga pulis, lalo na ng mga dayuhang turista; ang ilan sa kanila ay pinapatay dahil sa pagtangging magbigay ng milyun-milyong pisong ransom money.
Si Beconde, isa sa mga tripulante ng isang bapor na pangisda, ay pinugutan ng ASG noong nakaraang Huwebes Santo sa kagubatang bahagi ng Patikul, Sulu. Nangangahulugan na ang ganitong kasumpa-sumpang kalupitan ay hindi masugpu-sugpo sa kabila ng matinding puwersa ng ating militar at pulisya: mayroon tayong malalakas na kalibre ng baril, mga helicopter na mayroon ding matitinding armas at bomba na maaaring ihulog sa kagubatan na pinamumugaran ng mga rebelde. Bukod pa rito ang ating warship at makabagong mga kumpit na pantugis sa mga bandido.
Totoong maliit lamang ang bilang ng ASG, lalo na kung ihahambing sa ating libu-libong sundalo at pulis. Subalit nakasisindak ang karahasang inihahasik nila sa mga komunidad, lalo na sa Mindanao at Visayas. Ang kanilang kabi-kabilang pagdukot at pagpatay ang naging dahilan upang magpalabas ng travel advisory ang iba’t ibang bansa upang pagbawalan ang kani-kanilang mga kababayan na magtungo sa Pilipinas. Kabilang dito ang United States, United Kingdom, Australia at New Zealand. Dumalang ang mga turistang bumibisita sa ating bansa. Dahil dito, mistulang nalumpo ang ating turismo sapagkat marami ang naniwala na wala nang tahimik na lugar sa Pilipinas.
Walang makatututol na kailangan nang lipulin ang mga bandidong ASG. Mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos sa militar at pulisya na puksain ang nabanggit na mga rebelde sa lahat ng paraan. Katunayan, kamakalawa lamang, inihayag niya na pagkakalooban ng isang milyong piso ang sino mang makadadakip sa ASG. Masyado na nga namang nakapamamayagpag ang mga ito; naiinsulto ang mga awtoridad at lumilitaw na wala silang kakayahang puksain ang mga kriminal.
Sa bahaging ito, mabigat ang pahayag ni Gen. Eduardo Año, AFP Chief of Staff: “We will deliver the lethal blow against this band of terrorist ang rescue the remaining kidnap victims.” Matindi ang determinasyon ng naturang opisyal na tapusin na ang panggugulo ng mga rebelde sa lahat ng paraan. Bilang pagtalima rin ito sa utos ng Pangulo.
Hindi dapat lubayan ang paglipol sa ASG, at sa iba pang grupo ng mga bandido, upang mawakasan na rin ang kanilang mistulang pag-insulto at paghamon sa administrasyon – sa militar at pulisya. (Celo Lagmay)