BATANGAS CITY - Mahigit P187 milyon ang naging pinsala sa mga imprastruktura ng magkakasunod na pagyanig sa Batangas City nitong Abril 8, habang aabot naman sa P2 bilyon ang kabuuang pinsala ng lindol sa lalawigan.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head, Rodrigo Dela Roca, ito ay partial assesment pa lamang, o 40 porsiyento, ng kabuuang pinsala dahil hindi pa tapos ang tanggapan sa pangangalap ng assessment report mula sa mga barangay.

Sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglungsod nitong Lunes, natukoy na kabilang sa mga napinsala ng lindol sa siyudad ang gusali ng Batangas City Police, na umabot sa P3 milyon, gayundin ang gusali ng Batangas Medical Center na nasa P2.9 milyon naman ang pinsala.

May mga gusali din sa city hall na binakante ng mga empleyado, sa rekomendasyon ng City Engineering Office (CEO) dahil hindi na ligtas, gaya ng General Services Division.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinatayang nasa P22 milyon naman ang pinsala sa mga gusali ng Tingga Labac Elementary School, habang malaki rin ang naging sira sa ilang gusali ng Balete Relocation Site Elementary School, Bolbok Elementary School (P3M), Bolbok East Elementary School (P4.3M), Banaba West Elementary School (P6M), at Mahacot West Elementary School (P6.3M).

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary for Administration Alain Pascua na noong nakaraang linggo ay nagpadala na ang kagawaran ng mga inhinyero sa Batangas mula sa division level, at ngayong linggo ay structural engineers naman ang ipadadala ng DepEd upang masuri ang structural integrity ng mga apektadong school building.

Hangad ng DepEd na maisaayos kaagad ang lahat ng napinsalang gusaling pampaaralan bago magbalik-eskuwela sa Hunyo 5.

Sa kabuuan, umabot sa P2 bilyon ang pinsala ng lindol sa Batangas, at pinakamatinding naapektuhan ang Batangas City at ang mga bayan ng Mabini at Tingloy, pawang nasa state of calamity. (Lyka Manalo at Mary Ann Santiago)