Bucks Raptors Basketball

BOSTON (AP) — Lilipat ang aksiyon sa Chicago para sa krusyal Game 3 at tangan ng Bulls ang kinakailangan bentahe at kumpiyansa.

Ratsada si Jimmy Butler sa naiskor na 22 puntos, habang nagmintis ng isang rebound si Rajon Rondo para sa postseason triple-double para sandigan ang Chicago kontra Boston Celtics, 111-97, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para sa 2-0 bentahe laban sa No. 1 seed na karibal sa Eastern Conference first round match up.

Kumubra rin si Butler ng walong rebound at walong assists, habang tumipa si Rondo ng 11 puntos, 14 assist at siyam na rebound. Nag-ambag si Dwyane Wade ng 22 puntos, habang humirit si Robin Lopez ng 18 puntos at walong rebound.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nanguna ang nagdadalamhati na si Isaiah Thomas sa Celtics sa naiskor na 20 puntos.

Pumanaw nitong Linggo ang nakababatang kapatid na babae ni Thomas matapos maaksidente sa highway.

RAPTORS 106, BUCKS 100

Sa Toronto, hataw si Kyle Lowry sa naiskor na 22 puntos, tampok ang game-winning basket sa huling 10 segundo para maungusan ng Raptors ang Milwaukee Bucks at maitabla ang serye sa 1-1.

Kumana si DeMar DeRozan ng 23 puntos, habang tumipa si Serge Ibaka ng 16 puntos at humirit si Jonas Valanciunas ng 10 puntos at 10 rebound para sa Raptors.

Host ang Bucks sa Game 3 sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nagsalansan si Giannis Antetokounmpo ng 24 puntos at 15 rebound para sa Bucks, habang nag-ambag si Khris Middleton ng 20 puntos at kumuha si Greg Monroe ng 18 puntos.

Nalimitahan si Lowry sa nakadidismayang apat na puntos sa Game 1 nitong Sabado, ngunit sa pagkakataong ito bumawi ang Raptors guard sa naitalang 6-of-12, kabilang ang 2-of-5 sa three-point area.

CLIPPERS 99, JAZZ 91

Sa Los Angeles, sa harap nang nagbubunying home crowd, mas agresibo at dominante ang Clippers, sa pangunguna nina Chris Paul at DeAndre Jordan na kapwa nagtala ng double-double,para maitabla ang Western first round playoff series kontra Utah Jazz sa 1-1.

Kumana si Jordan ng 18 puntos at 15 rebound, habang humugot si Chris Paul ng 21 puntos at 10 assist.

Nanguna si Gordon Hayward sa Jazz sa naiskor na 20 puntos, habang humirit si Joe Johnson, nagpanalo sa Jazz sa Game 1, ng 13 puntos.

Gaganapin ang Game 3 sa Biyernes (Sabado sa Manila) sa Salt Lake City.