PARANG tinototoo ng US ang pakikidigma sa mga teroristang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) nang ibagsak sa utos ni US Pres. Trump ang MOAB sa magkakatabing kuweba at tunnel na pinagkukutaan ng IS sa Silangang Afghanistan noong Huwebes.
Ang MOAB (Massive Ordnance Air Blast) o Mother of All Bombs (Moab) ang pinakamalaking non-nuclear bomb na unang sinubukan noong 2003 kung ito ay epektibo sa magkakatabing target sa ilalim ng lupa. Gayunman, ito ang unang paggamit ng MOAB laban sa mga IS na nagkukuta sa mga kuweba at tunnel sa Afghanistan. Marahil isa rin itong eksperimento kung ang non-nuclear bomb ay epektibo laban sa mga teroristang salot sa mundo.
Sa pagsasaling-literal sa Tagalog ng MOAB, ito ay puwedeng sabihing “INA ng Lahat ng Bomba (INLNB)”, pero sa tunay na pagsasalin, ito ang pinakamalaking bomba (non-nuclear) na kumitil ng 36 na IS sa naturang lugar. May nagtatanong:
“Bakit 36 IS lang ang napatay kung ito ang “Mother of All Bombs” ng US laban sa mga Taliban?”. Aba ewan ko, itanong ninyo kay war-freak Pres. Donald Trump.
Ayon sa Balita, ang MOAB ay “9,797 kilo na GBU-43 bomb na may 11 toneladang pampasabog na ibinagsak mula sa MC-130 aircraft sa Achin district ng Nangarta province, malapit sa hangganan ng Pakistan. Iniutos ni Pres. Trump sa US forces ang pagbabagsak ng MOAB matapos ang pagsalakay ng 59 Tomahawk cruise missiles sa Syrian airbase bunsod ng umano’y paglulunsad ng Syrian government ng chemical attack na ginamitan ng sarin (isang mabagsik na lasong kemikal) na kumitil ng maraming sibilyan, kabilang ang kawawang mga bata sa isang probinsiya sa Syria.
Nabagbag umano nang labis ang kalooban ni Pres. Donald nang makita sa video clip ang mga patay na bata, bumubula ang bibig at dumaranas ng convulsion dahil sa sarin poison. Sa labis na galit, naging war-freak ang pangulo ng Estados Unidos at pinalipad ang Tomahawk planes para salakayin at durugin ang may kagagawan ng brutal na pagpatay sa mga sibilyan at bata.
Nagtatanong ang mga tao sa mundo kung ang MOAB o ang cruise missiles ng US ay ipagagamit din ng US president laban sa pasaway na North Korea ni Kim Jong-Un? Gayunman, nagbabala ang North Korea na handang harapin ang puwersa ni Uncle Sam at posibleng gumamit ng nuclear bombs.
Samantala, ipinatapon na sa Kuwait ang explosives expert na miyembo ng ISIS, si Kuwaiti national Hussein Aldhafiri, na nahuli kamakailan ng mga awtoridad sa kanyang tanggapan sa Bonifacio Global City, Taguig City kasama ang asawa na si Rahaf Zina, isang Syrian. Si Aldhafiri ay wanted sa Kuwait dahil sa planong pagpapasabog sa kanyang bansa.
Alam ba ninyong may planong palakihin ang populasyon ng mga kalabaw na ngayon ay unti-unting lumiliit dahil sa paggamit ng mekanikal na pambungkal sa bukirin, gaya ng kuliglig. Suportado ng mga kongresista na kasapi ng House committee on agriculture and food ang panukalang magtatag ng carabao center sa Bicol Region.
Batay sa House Bill 626 na nakahain ngayon sa Kamara, sinasabing mas maraming kalabaw sa Kabikulan kumpara sa ibang rehiyon sa bansa. Naniniwala ako na maganda ang panukalang ito sapagkat bilang anak ng isang magsasaka, naranasan ko ang magsaka sa aming bukid sa San Miguel, Bulacan noong ako’y nagtapos sa high school at tumigil sa pag-aaral dahil walang pang-matrikula ang mga magulang ko para sa pagpasok ko sa kolehiyo.
Hindi lamang sa Bicol Region dapat magtayo ng Carabao Center kundi maging sa Central Luzon, partikular sa Bulacan at Nueva Ecija, na karamihan ay pagsasaka ang ikinabubuhay. Noong ako’y nagsasaka pa, dalawa ang aking kalabaw, sina Kalakian at Baguntao. Lagi ko silang kasama sa pag-aararo at nakatulong upang makaipon sina Tatang at Inang dahil sa magandang ani! (Bert de Guzman)