James Harden,Enes Kanter

Durant, impresibo sa playoff debut; Houston, Bulls at Wizards, nakauna.

OAKLAND, California (AP) — Hindi nabigo ang ‘Dub Nation’ sa playoff debut ni Kevin Durant bilang isang Warriors sa kinabig na 32 puntos at 10 rebound, habang kumubra si Stephen Curry ng 29 puntos para sandigan ang Golden States sa impresibong 121-109 panalo kontra sa Portland TrailBlazers sa Game 1 ng kanilang best-of-seven first round playoff sa West Conference nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nabalewala ang matikas na opensa nina Portland superstar CJ McCollum at Damian Lillard na umiskor ng playoff career-best 41 puntos at 34 puntos, ayon sa pagkakasunod.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nag-ambag si Draymond Green sa Warriors sa kanyang all-around game sa naiskor na 19 puntos, 12 rebound, siyam na assist, tatlong steal at limang blocked shot para tulungan ang Warriors sa unang hakbang para muling masakop ang liga.

Kaagad na nabaon sa limot ang isyu ng injury sa kanang tuhod ni Durant sa naitalang 12-for-20 para sa ikaapat na laro mula nang ma-sidelined may isang buwan na ang nakalilipas.

Host pa rin ang Warrior sa Game 2 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Oracle Arena.

BULLS 106, CELTICS 102

Sa Boston, sa kabila ng pagdadalamhati sa pagpanaw ng nakababatang kapatid, naglaro si Boston star guard Isaiah Thomas, ngunit kinapos ang top seeded Boston laban sa No.8 Chicago Bulls sa opening match ng kanilang serye sa East.

Hataw si Jimmy Butler sa naiskor na 30 puntos at siyam na rebound, habang kumana si Bobby Portis ng 19 puntos.

Isang araw matapos ang car accident na kumitil sa 22-anyos na si Chyna Thomas, sumipot si Thomas sa Game 1 at pinangunahan ang Celtics sa nahugot na 33 puntos.

Ipinadama ng Celtics fans ang paghanga at pakikiramay kay Thomas sa dumadagundong na palakpakan.

Nag-ambag si Al Horford sa Boston ng 19 puntos, walong assist at pitong rebound. Gaganapin ang Game 2 ng kanilang first-round series sa Lunes (Martes sa Manila) sa Boston.

ROCKETS 118, THUNDER 87

Sa Houston, dinomina ng Rockets, sa pangunguna ni James Harden sa nakanang 37 puntos, ang Oklahoma City Thunder para sa 1-0 bentahe ng kanilang serye.

Tangan ng Rockets ang 20 puntos na bentahe nang maupo sa bench si Harden may pitong minuto ang nalalabi sa laro.

Kaagad na humataw ang tinaguriang ‘The Beard’ sa naisalpak na dalawang three-pointer para sandigan ang 10-0 run para palobuhin ang bentahe sa 110-80.

Kumuba si Westbrook, mahigpit na karibal ni Harden sa MVP honor, ng 22 puntos, 11 rebound at pitong assist, ngunit nagtamo ng siyam na turnover.

Host uli ang Rockets sa Game 2 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

WIZARDS 114, HAWKS 107

Sa Washington, kumubra si John Wall ng playoff career-high 32 puntos at tumipa si Markieff Morris ng 21 puntos sa kanyang NBA postseason debut para gabayan ang Wizards laban sa Atlanta Hawks sa Game 1 ng kanilang serye.

Nag-ambag si Bradley Beal ng 22 puntos, gayundin ang iba pang starter para maisalba ng Wizards ang 25 puntos ni Dennis Schroder at 19 puntos mula kay Millsap ng Atlanta. Nalimitahan si Dwight Howard sa pitong puntos at 14 rebound.

Gaganapin ang Game 2 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Washington.