Duguan ang isang lalaki na pinagbintangang responsable sa nakawan sa tinutuluyan niyang boarding house matapos pagsasaksakin ng nakatalo niyang boardmate sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City kamakalawa.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Rizal Medical Center si Julius Medallo, nasa hustong gulang, empleyado ng Universal Robina Corporation, at tumutuloy sa isang boarding house sa Victorino Street sa Bgy. Bagong Ilog, dahil sa tinamong saksak sa katawan.

Kinilala naman ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong frustrated murder si Jerebert Dacuran, nasa hustong gulang.

Sa ulat ng Pasig City Police, na nakarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), dakong 4:45 ng madaling araw nangyari ang pananaksak.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Una rito, pinagbintangan umano ni Dacuran ang biktima na nasa likod ng nangyayaring nakawan sa kanilang boarding house.

Ikinagalit naman ito ng biktima at kumuha ng isang basag na bote at tinangkang saksakin ang suspek.

Nagawa namang maagaw ng suspek ang basag na bote at saka makailang beses sinaksak ang biktima. (Mary Ann Santiago)