Tiniyak kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na matutuloy ang mga itinakdang aktibidad para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Bohol.
“Bohol might as well be considered a well-fortified and most secure place in the country right now despite the attack that killed three soldiers, a cop, and at least six of the armed men in the clashes that started at 5 a.m. on Tuesday,” saad sa pahayag kahapon ni DILG Officer-in-Charge Catalino Cuy.
Binanggit niya ang sinabi ni Bohol Gov. Edgar Chatto na ang sitwasyon sa bayan ng Inabanga ay “contained and did not affect the rest of Bohol or the rest of the country.”
Nangyari ang sagupaan makaraang dumating sa Sitio Ilaya sa Barangay Napo sa Inabanga, sakay sa tatlong speedboat, ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) bandang 10:00 ng umaga nitong Lunes.
Tatlong sundalo, isang pulis at anim na miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi sa sagupaan, kabilang ang leader ng mga bandido na si Muammar Askali, alyas Abu Rahmi.
Idaraos ang mga aktibidad ng ASEAN Summit sa Hennan Resort sa Panglao, Bohol sa Abril 19-20.
Ayon kay Cuy, nasa 4,000 operatiba ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, emergency response units, at iba’t iba pang mga ahensiya ang ipakakalat samga pagdarausan ng ASEAN Summit meetings, na inaasahang dadaluhan ng nasa 200 delegado. (PNA)