Mahigit 4,500 pasahero at daan-daang rolling cargo at barko ang na-stranded sa Visayas dahil sa bagyong ‘Crising’, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa report mula sa PCG, batay sa datos hanggang kahapon ng tanghali, lumobo na sa 4,525 ang mga pasaherong stranded sa Central Visayas, Bicol, Eastern Visayas at Western Visayas.
Stranded din ang 379 na rolling cargo, 35 barko at 11 motorbanca sa nabanggit na mga lugar.
Batay sa datos ng PCG, 2,007 pasahero ang stranded sa Cebu at Tagbilaran sa Bohol; 1,067 sa Ormoc (Leyte) at Catbalogan (Samar); 929 sa Albay, Sorsogon, Masbate at Camaerines Sur; at 522 sa Iloilo at Bacolod City.
Sinuspinde rin ng PCG ang biyaheng pandagat sa Batangas at Romblon bilang bahagi ng pag-iingat, partikular makaraang makapagtala ng malalaking alon sa nabanggit na mga lalawigan.
Kinansela naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ilang biyahe ng eroplano sa Bicol Region dahil sa bagyo.
Samar ang tinutumbok ng bagyong ‘Crising’ bagamat una nang napaulat na bahagyang humina ang bagyo bago tuluyang mag-landfall.
PREPARADO
Tiniyak naman kahapon ng Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) na puspusan ang kanilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo sa nakalipas na mga araw.
Inabisuhan na rin ng pamahalaang panglalawigan ang mga residente laban sa baha at pagguho ng lupa at pinaghanda sa paglikas sakaling kailanganin.
Batay sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), taglay ng Crising ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at may bugsong 68 kph.
Namataan ang sentro nvg Crising sa layong 185 kilometro sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, bahagyang bumagal ang bagyo dahil aabot na lamang sa 20 kph ang bilis nito.
STORM SIGNAL SA 16 NA LUGAR
Ito ay kumikilos pahilagang-kanluran at nasa 16 na lugar ang isinailalim sa Signal No. 1.
Itinaas kahapon ang Signal No. 1 sa Sorsogon, Burias Island, Romblon, Masbate kabilang ang Ticao Island, Aklan, Antique, Iloilo, Capiz, Northern Cebu, Northern Negros Occidental, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte at Southern Leyte.
Sinabi naman ng PAGASA na posibleng isailalim na rin sa Signal No. 1 ang Camarines Norte, Marinduque, Calamian Group of Islands at Oriental at Occidental Mindoro. (Betheena Kae Unite, Beth Camia, at Rommel Tabbad)