LeBron James

Cavs, ipinahinga si James kahit mawala sa No.1 seeding.

CLEVELAND, Ohio (AP) – Nasa bingit ng alanganin ang kampanya ng Cavaliers para sa top seeding sa Eastern Conference.

Sa kabila nito, sasabak ang defending champion sa krusyal na laban sa regular-season na wala ang pambatong si LeBron James.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Ipinahayag ni Cavaliers general manager David Griffin nitong Martes (Miyerkules sa Manila) na hindi palalaruin si James sa huling laban ng Cavs sa regular season kontra Toronto Raptors sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

May dinarama umanong ‘strain’ sa pige ang four-time MVP at nagdesisyon ang coaching staff na ipahinga na lamang ito kesya lumalala ang naturang injury. Ito umano ang dahilan sa hindi paglalaro ni James sa 124-121 overtime loss sa Miami Heat.

Ito ang ika-10 sunod na season na hindi naglaro sa huling regular-season si James.

Hindi rin nakalaro sina Kyrie Irving (knee tendinitis) at Tristan Thompson (sprained thumb) laban sa Heat dahilan para maungusan ang Cavs ng Boston Celtics sa labanan sa No.1 spot sa East. Tangan ng Cleveland ang bentahe sa tiebreaker kontra Boston kung kaya’t may tsansa ang Cleveland na makuha ang No.1 spot kung manalo sa Toronto at matalo ang Celtics sa huling laro kontra sa Milwaukee Bucks.

Nauna nang ipinahayag ni Cleveland coach Tyronn Lue na hindi niya ipapahinga sina James at Irving hangga’t hindi nila nasisiguro ang pagiging top seed, subalit nagbago ang ihip ng hangin matapos makamit ng Cavs ang magkasunod na kabiguan sa Atlanta Hawks.

“The most important thing for us is getting those guys some rest. They’ve been carrying the load all season,” pahayag ni Lue.

“It’s just the right thing to do. For us going forward, if we’re going to make a long run and deep into these playoffs, those guys being healthy is the most important thing,” aniya.

Tangan ng Cavs ang 0-7 record ngayong season sa sandaling wala si James sa lineup. Sakaling maging No.2 at masiguro ng Chicago Bulls ang No.7 spot, haharapin ng Cleveland ang Chicago – tanging koponan na bumokya sa Cavs (4-0) ngayong season.

Sa kabila nito, mas prioridad ni Lue na masiguro ang kalusugan ng mga player para makapaghanda sa playoff.

"Whether we're the 1-seed or the 2-seed, it's going to be tough this year. We know that. Whether it's first seed or second seed, it's going to be a tough uphill battle for us,” aniya.