NAKAUGALIAN na ng ating mga kababayan na umuwi sa kani-kanilang lalawigan tuwing Semana Santa o Holy Week. Isa sa pangunahin nilang layunin sa pag-uwi sa probinsiya, bukod sa bakasyon, ay magkaroon ng panahon at pagkakataon na sama-samang gunitain ang Semana Santa. Ang mangilin, makapagnilay, magbalik-loob sa Diyos, makapag-via crucis at visita iglesia kasama ang pamilya. Lumahok sa mga tradisyong binibigyang-buhay at halaga na may kinalaman sa paggunita sa Semana Santa. Ang mga nabanggit na gawain ay bahagi na ng buhay-ispirituwal ng ating mga kababayan na hindi nila nakaliligtaang tuparin tuwing Semana Santa.

Ngayong Lunes Santo, sinisimulan ang Lakbay Alalay sa Rizal 2017. Isang programa tuwing Semana Santa na inilulunsad ng DPWH Rizal Engineering District I at Rizal Engineering District II sa pangunguna nina District Engineer Roger Crespo at District Engineer Boying Rosete. Ang Lakbay Alalay sa Rizal, ayon kay District Engineer Roger Crespo, ay mag-uumpisa ng 6:00 ng umaga ng Abril 10 at matatapos ng 6:00 ng umaga ng Easter Monday, Abril 17.

Ang station ng Rizal Engineering District I, ayon naman kay Assistant District Engineer Ferdinand Butch Monakil, ay nasa km. 35+400 ng Manila East Road sa Binangonan, Rizal. May naka-duty na 8 hanggang 10 tauhan ng RE District I ng 12 oras sa first shift at 10 tauhan din sa 2nd shift.

Mayroong apat na service vehicle at dalawang dump truck para maikutan at ma-monitor ang kalagayan ng 16 na road section ng unang distrito ng Rizal. Magabayan ang mga kababayan natin sa oras na magkaroon ng problema sa paglalakbay at ang mga magbi-visita iglesia sa iba’t ibang simbahan sa Rizal. Pati na rin ang mga lalahok sa penitential walk sa gabi ng Huwebes Santo paakyat ng Antipolo hanggang sa umaga ng Biyernes Santo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa bahagi naman ng Rizal Engineering District II, ayon kay District Engineer Boying Rosete, ang station ay nasa km. 45+300 sa Sakbat Road Morong-Pililla. Sa nasabing lugar dumaraan ang mga motorista at mga kababayan natin na umuuwi sa Laguna at Quezon gayundin sa kanilang pagbalik sa Metro Manila sa umaga ng Easter Monday, Abril 17. May mga tauhan din na naka-duty ng 24 oras. Naka-monitor at naglilibot sa road section ng mga bayan sa eastern Rizal upang tumulong sa mga motorista na magkakaaberya sa kanilang paglalakbay. May mga service vehicle, dump truck at mekaniko na handang tumulong.

Gayundin sa mga kababayan nating magtutungo sa iba’t ibang simbahan sa eastern Rizal upang mag-via crucis o way of the cross at mag-visita iglesia na bahagi ng kanilang panata. Ang mga simbahan sa eastern Rizal na pinupuntahan ng mga namamanata ay halos 400 taon na. Ito ay itinayo ng mga misyonerong paring Heswita na ngayon ay tourist destination na sa Rizal.

Ang Lakbay Alalay sa Rizal 2017 ay batay sa utos ni Director Samson Hebra ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region lV-A Calabarzon. Saklaw ng kautusan ang lahat ng district engineer at ang lahat ng area equipment engineer sa buong Calabarzon (Cavite Laguna, Batangas, Rizal, Quezon). (Clemen Bautista)