Bumaba ang performance at trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang quarter ng taon, batay sa huling survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon.

Sa Ulat ng Bayan Survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon, nagtamo ng 76 porsiyentong trust ratings si Duterte sa unang quarter ng 2017, bumaba ng pitong puntos sa 83% na nakuha nito noong Disyembre 2016.

Pinakamataas ang naitalang trust ratings ni Duterte sa Mindanao sa 90%, habang 74% sa NCR, 67% sa Luzon, at 84% sa Visayas.

Kung socio-economic class ang pag-uusapan, nakakuha si Duterte ng trust ratings na 84% mula sa Class A-B-C, 76% sa Class D, at 74% sa Class E.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kanyang performance rating, mula sa 83% na naitala noong Disyembre ay bumaba ito ng limang puntos sa 78% ngayong Marso.

Sa tala ng Pulse Asia, 73% ng mga taga-Metro Manila ang kuntento sa performance ng Punong Ehekutibo, 71% sa Luzon, 86% sa Visayas, at 88% sa Mindanao.

Batay sa socio-economic class, 86% ang nakuha ni Duterte mula sa class A-B-C, 78% mula sa Class D, at 77% mula sa Class E.

Ginawa ang survey nitong Marso 15-20, at 1,200 ang respondents na edad 18 pataas.

Sinabi naman ni Senator Francis Pangilinan, presidente ng Liberal Party, na nananatiling mataas ang rating ng Pangulo sa kabila ng pagbaba nito.

Paliwanag ni Pangilinan, karaniwan nang bumababa ang performance at trust ratings ng presidente makalipas ang ilang buwan sa puwesto, at nangyari rin ito sa iba pang nauna kay Duterte.

“All Presidents before him also experienced very high trust ratings at the start of their terms and eventually these ratings all dipped so there is really nothing unusual with the five-point drop,” saad sa pahayag ni Pangilinan.

Natuwa naman si Senator Antonio Trillanes IV sa resulta ng bagong survey.

“I am very much encouraged by the declining numbers of Duterte,” ani Trillanes, isa sa mga pangunahing kritiko ng Pangulo.

Ayon kay Trillanes “the Filipino people are beginning to see the light”. Idinagdag din niyang dapat asahang ang ratings ni Duterte “[to] go down further by May.” (BETH CAMIA at ELENA ABEN)