Pinayuhan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang mga abogado na laging panatilihin ang mataas na pagpapahalaga sa morlidad.
Ito ang naging paalala ng IBP nang aminin kamakailan ni House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez, isang abogado na nagtapos sa Ateneo Law School, na mayroon siyang girlfriend kahit nananatili silang kasal ng kanyang asawang si Emily Alvarez.
“The IBP has always and shall always maintain the highest standards of morality, behavior and professionalism among its members,” sabi ng presidente ng IBP na si Rosario Setias-Reyes sa isang pahayag.
“As members of a noble profession and as officers of the court, lawyers are held to a higher standard than most and these standards are seriously enforced by the Supreme Court and by the IBP as the mandatory organizations of lawyers,” saad niya.
Hinamon ni Alvarez ang sinuman na magsampa ng disbarment complaint laban sa kanya dahil sa pakikipagrelasyon niya sa nobyang si Jennifer Vicencio.
Sa kabila nito, tiniyak ng IBP kay Alvarez na dadaan sa due process kung mayroong magsampa ng complaint laban sa opisyal.
“In the event that someone should file a complaint against Congressman Alvarez, he will, of course, be granted the full measure of his right to due process but these shall be the same standards against which his actions shall be measured,” sabi ni Reyes.
Iniulat na nagkakaroon ng sigalot si Alvarez at ang kanyang kaibigang si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo, na isa sa pinakamalalaking campaign contributor ni Pangulong Duterte.
Nagsampa si Alvarez ng graft case laban kay Floirendo dahil sa umano’y maanomalyang multi-million deal sa Bureau of Corrections (BuCor) para sa pagrenta sa lupain nito na kasama sa banana plantation nito.
Ang sigalot ng dalawang mambabatas ay sinasabing nagsimula sa away ni Vicencio at ng live-in partner ni Floreindo na si Cathy Binag. (Jeffrey G. Damicog)