Untitled-1 copy

Bacolod student, nagtala ng bagong marka sa long jump ng Open.

ILAGAN CITY – May bagong pambato ang Philippine athletics team.

Umagaw ng atensiyon ang 18-anyos long jumper mula sa Bacolod, Negros Occidental nang angkinin ang gintong medalya sa bagong national record nitong Biyernes sa Ayala-Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa Ilagan City Sports Complex sa Isabela.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Binura ni Jose Jerry Belibestre ang 18-taong marka sa long jump para makasalo ng mga elite athletes na namayagpag sa ikalawang araw ng torneo na itinataguyod ng Ayala Corporation, sa pakikipagtulungan ng MILO, Philippine Sport Commission at International Amateur Athletics Federation (IAAF).

Nalundag ng third-year BS Education student sa University Negros Occidental-Recoletos sa Bacolod City ang distansiyang 7.43 metro para tanghaling kampeon at lagpasan ang dating marka na 7.41-metro na naitala ni SEA Games multi-titled Joebert Delicano sa Arafura Games, Darwin, Australia noong 1999.

Nakopo ni Jericho Hilario ng San Beda College ang silver medal sa layong 6.82 metro, habang napunta ang bronze kay Jhaelord Adriano ng Team ISU (6.80 metro).

Sa kanyang unang pagtatangka, walang pag-aalinlangan na nararapat sa titulo kay Belibestre, panganay sa apat na magkakapatid na kinakalinga ng ama na may-ari ng bicycle shop.

“All of my jumps were more than seven meters,” pahayag ni Belibestre, tangan ang personal best ng 7.53 metro na naitala niya sa isang unofficial competition sa Bacolod City.

“I know I can win it. I prepared hard for this tournament and I am eyeing not just to win the gold, but also to break the record. That’s my goal. I always go for breaking records,” aniya.

Kung maisasaayos ang programa para kay Belibestre, malaki ang tyansa niyang mapabilang sa National Team na isasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.

“It‘s the chemistry of the athlete and the coach that makes it work,” paliwanag ni Miguel Arca, coach ni Belibestre, gayundin ng Ramonito Maravilla National High School team kung saan nagmula ang mga atleta na isinabak sa nakalipas na Asean School Games, Children of Asia at Malaysia Open.

Tulad ng inaasahan, pakitang-gilas din ang mga beteranong atleta na kabilang sa pamosong ‘GTK Army’ ng dating pangulo ng Philippine Amateur Track Field Association (Patafa) na si Go Teng Kok nang pangunahan ni Julius Sermona ng Philippine Air Force ang men’s 10,000-meter run.

Huling sumabak sa RP Team sa Laos SEA Games noong 2009, nailista ng 38-anyos na si Sermona ang tyempong 33 minuto at 29.78 segundo laban sa mas mga beteranong ring sina Gilbert Laido ng Lucena City (33:32.28) at dating marathon king Eduardo Buenavista ng Philippine Air Force (33:43.29).

“Mahirap po kasi kapag atleta, hinahanap-hanap ng katawan mo ang pagtakbo,” pahayag ni Sermona. “Medyo nageensayo na po ulit ako ngayon at baka sakaling makasama ulit sa national team. Medyo malayo pa din po ako ngayon pero makakaya namin kung makakabalik lang sa ensayo,” aniya.

Sa opening day ng prestihiyosong torneo, ginulat din ng nagbabalik-aksiyon na si dating marathon queen Cristabel Martes ang mga karibal nang pagbidahan ang women’s 10,000 meter run sa impresibong 38 minuto at 40.52 segundo.

Hataw din ang mga beteranong sina Narcisa Atienza ng Philippine Army, Ruther Dela Cruz ng Bulacan at Clinton Bautista ng RP Team-Ilagan City.

Nag-uwi ng gintong medalya si Atienza, heptathlon specialist, sa women’s shot put sa layong 12.29 metro kontra kina Vanessa Baguiwet ng Ateneo (11.38) at Nova Belle ng Blue Knights (10.23).

Naorasan naman si Dela Cruz sa 15.50 segundo para makopo ang boys’ 110-meter hurdles, habang naghari si Bautista sa men’s class sa tyempong 14.54 segundo.

Umeksena naman si Felisberto de Jesus ng Timor Leste, tanging dayuhan na nagwagi ng gintong medalya sa unang araw ng kompetisyon, nang pagwagihan ang boys 3,000-meter steeplechase sa oras na 9:45.83.

Nagwagi ri sina James Orduna ng Bulacan (boys 5,000-meter run) sa tyempong 16:04.49; John Christian Capasao ng Mapua (boys discuss throw,39.50 meters); Albert Mantua ng RP Team-City of Ilagan (men’s shot put, 14.90 meters); Aileen Tolentino ng Philippine Army (3,000-meter steeplechase, 12:41.24) at Emerson Obiena ng NMSAAP (men’s pole vault, 3.90 meters).