Kailangang ng gobyerno (GPH) na magbigay ng “political solution” para mawakasan ang pag-aaklas ng Bangsamoro at lubusang ipatupad ang 2014 Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) sa pamamagitan ng pagpasa ng katanggap-tanggap na batas sa Kongreso, sinabi ng bagong pinuno ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na si Ghazali Jaafar.

“This is a political problem and it can only satisfy the Bangsamoro people ‘pag na-deliver ang political solution,” pahayag ni Jaafar, first vice chair din ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), nitong Miyerkules sa Waterfront Insular Hotel Davao.

Aniya, ikinalulugod niya ang mga pagsisikap ng pamahalaan na masolusyunan ang mga isyu sa pamamagitan ng ekonomiya upang magbunsod ng kaunlaran sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ngunit idiniin niya na ang mamamayan ng Bangsamoro ay naghahangad ng self-determination at ng kanilang sariling Bangsamoro government.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Yung tulong, maraming salamat. But believe me, ako hindi ko pa nakita ang nabigyan ng gobyerno ng tractor. I did not bother to see. Pero sabi ko, hindi naman kailangan ng MILF and Moro people ang seedlings,” aniya.

Giit niya, hindi nila hinahangad na maambunan ng bilyong pisong halaga ng itatayong tulay at kalsada at mga proyekto sa agrikultura sa Mindanao, dahil nabuhay ang kanilang mga ninuno na wala nito at umasa lamang sa kanilang sariling ani.

“Sapagkat kung ma-implement ang BBL, may gobyerno ang mga Muslim. I can assure you we can take care of ourselves,” aniya.

Kailangang makabuo ang 21-miyembro ng BTC ng sarili nitong draft sa enabling law bago ang napagkasunduang deadline sa Mayo 18 ng magkabilang panig at inaasahang idedeklarang “urgent” ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.

Hinimok ni Jaafar ang mga mambabatas na ipasa ang enabling law para sa lubusang pagpapatupad ng CAB.

“What is important meron tayong batas for, unless a BBL is passed into law by the Congress of the Philippines, we cannot implement the CAB and therefore, no solution to our (Bangsamoro) government. And therefore, status in the Bangsamoro remains as it is now,” aniya.

Sinabi ni MILF peace implementing panel chair Mohagher Iqbal na “the real issue is how to give self-governance to the Moro people within the context of Philippine sovereignty.”

Umaasa aniya sila na maipapasa ng Kongreso ang proposed draft ng BTC sa lubusang pagpapatupad ng CAB, na napag-usapan ng GPH at MILF upang mawakasan na ang apat na dekadang digmaan.

“I would say that there is frustration in every man, but hope is also being rekindled in the face of still so many things waiting to be realized, waiting for implementation. Hope is one thing we cannot afford to lose,” dagdag niya.

(ANTONIO L. COLINA IV)