ISULAN, Sultan Kudarat - Dalawang dayo na umano’y carnapper ang nasawi makaraang makipagbakbakan sa mga pulis na pinakiusapan silang sumuko sa Sitio Adarles sa Barangay Kenram, Isulan, Sultan Kudarat, nitong Miyerkules.

Batay sa report ni Supt. Joefil Siason, hepe ng Isulan Police, rumesponde ang kanyang grupo makaraang makatanggap ang reklamo ni Florencio Vivencio, Jr., nasa hustong gulang, ng Bgy. Dansuli, na nagsabing tinutukan siya ng .45 caliber pistol ng isa sa dalawang suspek para tangayin ang kanyang itim na Kawasaki Bajaj motorcycle sa Bgy. Kenram, Isulan.

Nasukol ng mga pulis sina Toten Ato y Amir, 37; at Usop Upam Maguid, 35, kapwa taga-Bgy. Libutan, Mamasapano, Maguindanao ngunit sa halip na sumuko ay piniling makipagbarilan hanggang sa mapatay ang mga ito.

Nasamsam mula sa mga suspek ang isang .45 caliber pistol na may tatlong bala, dalawang sachet ng hinihinalang shabu, isang fragmentation grenade at drug paraphernalia. (Leo P. Diaz)

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito