BILANG pagkilala sa natatanging gawa at kontribusyon sa sports, ipagkakaloob ng Department of Education ang makasaysayang ‘Palarong Pambasa Parangal Awards’.
Sinabi ni Education Assistant Secretary Antonio Umali na tatlong dating Gintong Alay star at alumnus ng Palarong Pambansa – Dating Asian Sprint Queen Lydia de Vega-Mercado, SEA Games long jump champion Elma Muros-Posadas at swimming icon Eric Buhain – ang tatlo sa mga kandidato para sa naturang parangal.
Ayon kay Umali, tatanggap ang mapipiling ‘lifetime sports award’, unang pagkakataon na ibibigay ng DepEd, ng P50,000 cash at special handcraft trophy.
Aniya, bahagi ito sa pagnanais ng DepEd na ma-encourage ang mga kabataan na magpursige sa edukasyon at pataasin ang level sa sports.
“For true education is good character,” ayon kay Umali sa kanyang pagbisita sa PSA Forum kahapon sa Phoenix Hotel.
Samantala, bunsod ng pagkakadagdag ng ilang event at pagsabak nang mas maraming atleta dulot ng ipinatupad na K12 education sustem, kumpiyansa ang Department of Education (DepEd) na mas maraming meet record ang maitatala sa paglarga ng Palarong Pambansa sa Abril 23-29 sa San Jose, Buenavista, Antique.
Sa kanyang pagbisita sa PSA Forum kahapon, sinabi ni Cesar Abalon ng DepEd School Sports Division na mas pinalakas ng mga eskwelahan ang programa sa sports matapos ipatupad ang K12 programa.
Aniya, mas binigyan ng atensiyon ng mga opisyal ang paghahanda para sa regional hanggang division patungong national level.
‘Mas pinalakas ng mga eskwelahan yung grassroots programa nila. Bukod sa pagpapataas ng edukasyon sa pagpapatupad ng K12, lumakas din ang programa sa sports,” pahayag ni Abalon.