Umaasa si Senator Panfilo Lacson na magbago n asana ang ugali ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 71 anyos na ito.
Ayon kay Lacson, hiling niyang magbago ang pakikitungo ng Pangulo sa media, sa mga kongresista, sa mga senador, sa mga local government unit (LGU), at buong sambayanan.
Nakilala ang Presidente na palamura at paggamit ng mga nakaiinsultong pananalita lalo na kapag ang kanyang kalusugan ang pinag-uusapan.
“Ang wish ko lang sa kanya, magsimula na siya maging statesman-like. Pakikitungo sa media, sa mga senador, sa mga kongresista, sa mga LGU, and the public in general. Maraming dapat baguhin,” sabi ni Lacson.
Ipinaalala rin ng senador ang pangako ni Duterte noong nangangampanya na kapag nahalal ay babaguhin ang sarili.
“May limang taon pa naman, baka sakali. At kung may birthday wish [ako para sa kanya], ‘yun na ‘yun,” dagdag ni Lacson.
Panalangin naman ang regalo ni Vice President Leni Robredo para sa kaarawan ni Duterte.
“Prayer that his health would be better. That’s what we pray for everyone,” sinabi ni Robredo sa panayam sa kanya kahapon ng DZMM.
Limang buwang nagsilbi sa Gabinete ni Duterte bilang housing chief, bukod sa mabuting kalusugan ay ipinagdarasal din ni Robredo na maging matagumpay ang administrasyon ng Pangulo.
“Also prayer for a successful leadership because this is not only for him, this is for everyone,” sabi ni Robredo.
Muli namang binigyang-diin ng Bise Presidente ang buong suporta niya sa administrasyong Duterte sa kabila ng pagtutol niya sa ilang polisiya ng gobyerno. (Leonel M. Abasola at Raymund F. Antonio)