Dahil sa kawalan ng merito, ibinasura kahapon ng Korte Suprema ang disbarment case laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Ayon sa tagapagsalita ng Supreme Court (SC) na si Atty. Theodore Te, unanimous ang naging boto sa pagbasura ng disbarment case na inihain laban kay Morales ng talunang senatorial candidate at dating konsehal ng Maynila na si Greco Belgica.

Iginiit ng Korte Suprema ang naging mga hatol nito sa nakalipas na hindi maaaring makasuhan ng disbarment ang mga opisyal ng gobyerno na maaari lamang matanggal sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

Nais ipatanggal ni Belgica ang lisensiya ng pagiging abogado ni Morales dahil sa pag-aabsuwelto kay dating Pangulo Benigno S. Aquino III sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklarang ilegal ng kataas-taasang hukuman.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Giit ni Belgica, nilabag ni Morales ang Lawyer’s Oath at Canon of Professional Responsibility nang hindi nito kinasuhan si Aquino ng graft, technical malversation at usurpation of legislative powers sa pagpapatupad ng DAP.

Si dating Pangulong Aquino ang nagtalaga kay Morales sa puwesto. (Beth Camia)