HOUSTON (AP) — Muling humirit ng triple-double si Russell Westbrook, ngunit hindi ito sapat para mapigilan ang pagsambulat ng Houston Rockets tungo sa 137-125 panalo laban sa Oklahoma City Thunder nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Hataw si Lou Williams sa naiskor na 31 puntos, habang tumipa si James Harden ng 22 puntos at 12 assists para sa Rockets na tumatatag ang kampanya para sa No.3 seed sa Western Conference.
Umarya si Westbrook sa natipang 39 puntos, 11 rebound at 13 assist parasa ikalawang sunod na triple-double at ika-36 sa kabuuan ngayong season, subalit maagang sumirit ang Rockets sa 25-puntos na bentahe sa unang tatlong quarter.
Nag-ambag sina Trevor Ariza at Eric Gordon ng tig-24 puntos.
CELTICS 112, HEAT 108
Sa Boston, ratsada si Isaiah Thomas sa nakubrang 30 puntos, tampok ang 20 sa second half para gabayan ang Celtics kontra Miami heat.
Bunsod ng panalo, umusad ang Boston (48-26) nang bahagyang bentahe sa Cleveland (47-25) para sa No.1 spot sa Eastern Conference. Napantayan din ng Celtics ang karta sa nakalipas na season.
Nag-ambag si Jae Crowder ng 25 puntos at anim na rebound para sa Celtics, habang nanguna sa Heat sina Tyler Johnson at James Johnson sa nahugot na 25 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod.
WARRIORS 106, GRIZZLIES 94
Sa Oakland, California, umarya ang Warriors sa final period mula sa 21 puntos na nagawa ni Klay Thompson sa second half pra sa kabuuang 31 puntos kontra sa Memphis Grizzlies at itarak ang ikapitong sunod na panalo.
Nagsalansan si Stephen Curry ng 21 puntos at 11 assist, habang umiskor si Andre Iguodala ng 20 puntos para sa Warriors (59-14) para mahila ang bentahe sa 2½ na laro laban sa Spurs para sa No.1 spot sa West.
Mabigat ang tatlong sunod na laban ng Golden State kontra sa Houston, San Antonio at Washington.
TRAIL BLAZERS 97, LAKERS 81
Sa Los Angeles, giniba ng Portland Trail Blazers, sa pangunguna ni Damian Lillard na tumipa ng 22 puntos, ang Lakers para mapantayan ang Denver Nuggets sa huli at ikalawang playoff spot sa Western Conference.
Tangan pareho ng Trail Blazers at Nuggets ng 35-38 karta, may siyam na laro ang nalalabi sa regular season.
Magkakaharap ang dalawang koponan sa Martes (Miyerkules sa Manila).
Nanguna si D’Angelo Russell sa Lakers na may 22 puntos.
Sa iba pang resulta, dinagit ng New Orleans Pelicans ang Denver Nuggets, 115-90; tinuhog ng Chicago Bulls ang Milwaukee Bucks, 109-94; pinayuko ng Sacramento Kings ang Los Angeles Clippers, 98-97; natabingan ng Charlotte Hornets ang Phoenix Suns, 120-106; naihawla ng Brooklyn Nets ang Atlanta Hawks, 107-91; tinalo ng Indiana Pacers ang Philadephia Sixers, 107-94.