Apat ang nasawi at 23 iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang granadang inihagis ng isang 22-anyos na sinasabing magnanakaw upang makatakas sa umano’y pang-uumit sa isang bakery sa Barangay Busbus sa Jolo, Sulu nitong Sabado ng gabi.

Kinumpirma ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Regional Police Director Chief Supt. Reuben Theodore Sindac ang pagkakaaresto kay Sedimar Rabbah, residente ng Bgy. Buhanginan sa Patikul.

Sinabi rin ni Sindac sa pito sa 23 nasugatan sa pagsabog ay menor de edad.

“It was definitely not a terror attack,” paglilinaw pa ni Sindac at sinabing nagpasabog ng granada si Rabbah upang makaiwas sa pag-aresto.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa report ng Joint Task Force Sulu (JTFS), nabatid na nangyari ang insidente bandang 7:10 ng gabi nitong Sabado malapit sa isang bakery-grocery sa Sitio Lambayong, Bgy. Busbus, Jolo.

Nakasaad sa police report na naaktuhan umano ang suspek na may ninanakaw sa bakery kaya hinabol ito ng mga istambay at upang makaiwas sa pagdakip ay naghagis ng granada.

Nasawi sina Bibing Julaili, 45; Emraida Matlih, 32; Alnasir Naning, 36; at Almijar Hussin.

Kabilang naman sa ginagamot pa sa ospital sina Sahimar Abubakar, 17; Salamuddin Sarri, 50; Tarhata Lumangkum, 50; Radimar Julailie, 17; Aljimar Daham, 24; Rizal Lansalan, 7; Mimamg Naning, 30; Alsamir Daham, 15; at isang Maruji.

(FER TABOY at AARON RECUENCO)