LONDON (AFP) – Ang lalaking nanagasa sa mga taong naglalakad at sumaksak sa isang pulis bago nabaril at napatay ng isang close protection officer sa madugong pag-atake sa London nitong Miyerkules ay kinilalang si Khalid Masood, 52 taong gulang.

Gumagamit ng maraming alyas, sinabi ng London Metropolitan Police na ilang beses na siyang nakulong sa iba’t ibang pagkakasala ngunit wala ni isa ang may kinalaman sa terorismo. Kabilang sa mga naging kaso ni Masood ang assault, grievous bodily harm, possession of offensive weapons at public order offence.

Isinilang noong Disyembre 25, 1964 sa Kent sa timog silangan ng England, si Masood ay naninirahan sa West Midlands sa lungsod ng Birmingham. Siya ay British citizen.

Sinabi ni Prime Minister Theresa May na minsan nang inimbestigahan si Masood ng intelligence service na MI5 “in relation to concerns about violent extremism”.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kahit na naniniwala ang pulisya na mag-isang kumilos si Masood, sinabi ng Islamic State na isa siya sa “soldiers” ng grupo na kumikilos para targetin ang mga bansang lumalaban sa mga jihadist sa Iraq at Syria.

Nirentahan ni Masood ang sasakyan na ginamit sa pag-atake sa Solihull branch ng Enterprise, sa labas ng Birmingham, kinumpirma ng kumpanya.

Iniulat ng pahayagang Sun na tumuloy si Masood sa isang hotel sa Brighton, sa timog ng London, sa bisperas ng pag-atake.

Inilarawan ng British media si Masood na isang Muslim convert, at sinabi ng isang impormante sa Sky News na siya ay “very religious, well spoken man”.

“He was a nice guy. I used to see him outside doing his garden. He had a wife, a young Asian woman and a small child who went to school,” sabi naman ni Iwona Romek, dating kapitbahay ni Masood, sa Birmingham Mail.