AFTER ng hiwalayan nila ni Erich Gonzales ay kay Arci Muñoz naman nali-link si Daniel Matsunaga. Nagsimula ang tsika tungkol sa kanila nang marami ang makapuna ng sweetness nila sa programang I Can Do That.
Halos nagkasabay ang hiwalayan nina Daniel at Erich ng break-up din ni Arci sa kanyang non-showbiz ex-boyfriend kaya pareho silang single ngayon.
Pero agad nang nagpaliwanag si Arci na hindi dapat lagyan ng malisya ang pagiging malapit nila ni Daniel sa isa’t isa. Nagtatrabaho lang naman daw sila para sa I Can Do That.
Paliwanag pa ni Arci, may kontrata silang pinirmahan sa nasabing show na hindi sila puwedeng pumasok sa isang relasyon simula pa noong March 10.
“Meron kaming kontrata na pinirmahan, na hindi kami p’wede pumasok sa isang relasyon starting March 10. Kailangan six months kaming single. Apat kaming pumirma doon. Kasama po si Dandan, kaya hindi po kami p’wede talaga,” pahayag ni Arci.
Dahil sa naturang programa, bumuo ang fans ng dalawa ng “DarCi” na siyang tawag na ngayon sa tambalan nila. Pero iginiit ni Arci na hindi pa siya nakahandang makipagrelasyon muli.
“Siguro sign ni God din ito na dapat mag-concentrate muna ako sa mas importanteng mga bagay. Hindi pa muna ako ready,” seryosong sabi ng dalaga.
Aware si Arci na may ilang online bashers na nagkakalat ng isyung kesyo ginagamit lang daw niya ang tungkol sa hiwalayan nila ng dating kasintahan para lalong pag-uusapan ang show nila ni Daniel.
“Well, wala akong pakialam sa kanila. Ayokong basahin ang mga comments. I’m going to live my life the way I want to,” may hugot na payahag ni Arci. (JIMI ESCALA)