Dalawampung katao ang sugatan sa karambola ng pampasaherong bus, taxi at dalawa pang sasakyan sa Elliptical Road sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Mabigat na daloy ng trapiko ang bumungad sa mga motoristang dumaan sa Elliptical Road sa Barangay Central sa pagharang ng isang Precious Grace bus (UWM161), na tumagilid; isang Misagh taxi (UZO954); isang Honda Civic Sedan (USW427); at isa pang Sedan (WEJ988) sa malaking bahagi ng kalsada matapos ang salpukan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector 3, ang ikalawang Sedan, minamaneho ni Justin Carreon, ay nakatakda sanang lumiko sa Elliptical Road mula Quezon Avenue, bandang 4:30 ng umaga nang banggain ng taxi.
Ayon kay Carreon, sa lakas ng pagkakabangga sa kanya ng taxi na minamaneho ni Edgar Gallarde, sumalpok naman ang kanyang sasakyan sa kanang bahagi ng bus, minamaneho ni Romel Gazo, na patungo sa East Avenue.
At sa tindi ng pagkakabangga tinamaan naman nito ang isang Sedan na minamaneho ni Ferdinand Flores, na nakatakda naman sanang lumiko sa Kalayaan Avenue.
Pawang sugatan ang apat na driver gayundin ang kani-kanilang pasahero.
Pasado 6:00 na ng umaga nang maibalik sa normal ang daloy ng trapiko sa Elliptical Road.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang malaman kung sino sa mga driver ang responsable sa insidente.
(Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)