Diretso sa selda ang isang lalaki matapos ipaaresto ng kanyang kapustahan sa sabong dahil sa pagbabayad umano ng pekeng pera sa Malabon City, nitong Lunes ng hapon.

Nahaharap sa mga kasong estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal possession and use of false treasury notes or bank notes) si Tony Develleres, 47, ng Baesa, Quezon City.

Base sa report, bandang 3:00 ng hapon, pumasok si Develleres sa Malabon Cockpit Arena na matatagpuan sa McArthur Highway, Barangay Potrero, Malabon City, at sumali sa pustahan.

Nakapustahan ni Develleres si Ferdinand Gonzales, 47, kawani ng nasabing sabungan, at natalo ang manok ni Develleres dahilan upang magbigay siya ng P500 kay Gonzales.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ngunit nang suriin umano ni Gonzales ang perang ibinayad ng suspek ay napansin niyang peke ito kaya agad siyang humingi ng tulong sa Police Community Precinct (PCP) 2 at ipinaaresto ang suspek.

Sa presinto, nakuha mula sa bulsa ni Develleres ang 10 pang piraso ng P500 bill na pawang peke. (Orly L. Barcala)