Determinado si Presidente Duterte na magsagawa ng kaukulang aksiyon para protektahan ang interes ng bansa sa West Philippine Sea “at a time most fitting and advantageous (to Filipinos)”.
Tiniyak ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi tatalikuran ng Presidente ang karapatan ng bansa sa ating karagatan sa gitna ng planong pagtatayo ng China ng mga istruktura sa pinag-aagawang lugar.
“President Duterte has repeatedly asserted that RP is not giving up its claims and our entitlements over the area,” sabi ni Abella.
“He has said time and again that he will defend and protect the interests of the Filipino people, and will take necessary action at at a time most fitting and advantageous to us,” sabi niya.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Abella na tinitiyak pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga ulat hinggil sa intensiyon ng China na magtayo ng mga istruktura sa West Philippine Sea. Sinabi niya na ang naturang pahayag “do not reflect the official position (of China)”.
Bago umalis patungong Myanmar ang Presidente nitong Linggo, sinabi niya na walang magagawa ang Pilipinas para pigilan ang China sa plano nitong pagtatayo ng environmental monitoring station sa Panatag Shoal.
Idinagdag ni Duterte na hindi siya magdedeklara ng giyera laban sa China dahil sa pag-aagawan ng teritoryo dahil napakalakas ng puwersang militar nito. “It would be a massacre,” aniya.
Nanawagan si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kay Duterte na ipagtanggol ang teritoryo ng bansa sa pamamagitan ng pagsasampa ng protesta laban sa construction activity ng China at magpadala ng Navy na magpapatrulya sa Panatag Shoal.
Sinabi ni Carpio na si Duterte ay maaari ring humiling sa United States para ideklarang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Panatag Shoal para sa kapakanan ng Philippines-US mutual defense treaty. (Genalyn D. Kabiling)