Nina GENALYN D. KABILING at CHARISSA M. LUCI

Walang reklamong impeachment sa Kongreso o kasong kriminal sa international court ang makapipigil kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang kanyang “brutal” na kampanya laban sa droga, krimen at kurapsiyon.

Binigyang-diin ng Presidente na ang kanyang mga kritiko “[can] do their worst” laban sa kanya ngunit mananatili siyang nakatutok sa pagtupad sa sinumpaan niyang tungkulin sa bansa, kahit pa mawala sa kanya ang kanyang buhay, karangalan at ang mismong pagkapresidente.

“I welcome both developments. They can do their worst, I can do better in my performance as a worker in government. Period. This is a democracy,” sinabi ni Duterte bago siya bumiyahe mula sa Davao City patungong Myanmar at Thailand.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Nasa Myanmar si Pangulong Duterte sa Marso 19-20, bago magtutungo sa Thailand sa Marso 20-22, at magbabalik-bansa sa Huwebes, Marso 23.

“I will comply with my promises. The drive against corruption, the drive against criminality and drugs will resume, and it will continue, and it will be brutal if they do not understand the role of government. Suppression includes all,” dagdag niya.

Naghain nitong Huwebes ng impeachment complaint si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano laban sa Pangulo dahil sa mga nagawa umano nitong matitinding krimen, mula sa pagkakasangkot sa extrajudicial killings hanggang sa pagkakaroon ng natatagong yaman.

RULES OF DESTINY

Hindi alintana ang mga banta sa kanyang pagkapangulo, nanindigan si Duterte na handa siyang ma-impeach, o kahit pa mabulok sa piitan, kung bahagi iyon ng kanyang kapalaran.

“Wala sa akin ‘yang impeachment, impeachment. I go by the rules of destiny. What gave me the presidency was pure destiny if you consider all the things that happened along the way,” aniya. “If I get impeached, I go to prison as long as I have the right to select where i should be, I should rot for all time.”

LOYALTY CHECK

Kaugnay nito, naniniwala si House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na hindi na kailangan pang magsagawa ng loyalty check sa mga miyembro ng supermajority upang matiyak na mabibigo ang reklamong impeachment laban sa Pangulo.

“Wala na, hindi na kailangan ng loyalty check diyan,” sinabi ni Alvarez sa isang panayam. “I doubt it kung makakarating sa plenaryo ‘yan (impeachment), eh, kasi tiningnan ko ang allegations as a lawyer, ang hirap pong patunayan ‘yan. Hindi ko pa [nababasa in full], pero puro lang hearsay at walang personal knowledge.”

“Recommendation to dismiss the impeachment complaint is definite,” ani Alvarez, secretary general ng Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na kinabibilangan ni Duterte.

‘WAG MASYADONG KUMPIYANSA

Sinabi naman ni Alejano na hindi dapat na magkumpiyansa si Alvarez sa suporta ng supermajority, na inaasahan niyang magwawatak-watak, lalo na dahil nakasalalay lang, aniya, ang koalisyon sa mga pulitikal na interes.

“The moment that the interest of a party is not served…the coalition could break up,” ani Alejano.