cantada34 copy

PSC ‘status quo’ sa volleyball recognition.

PLANO ng Philippine Sports Commission (PSC) na magbuo ng ‘volleyball council’ para pansamantalang mangasiwa sa lahat ng usapin at pangangailangan ng volleyball, higit sa paghahanda ng mga atleta na sasabak sa international tournament kabilang na ang 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.

Ito ang suhestyon ni PSC Commissioner Ramon ‘Mon’ Fernandez na kanyang ipinarating kay Philippine Olympic Committee (POC) chairman Tom Carrasco ng triathlon bilang aksiyon ng pamahalaan para masiguro na mababantayan ang pondong ibibigay sa sports.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“I discussed it to Tom (Careasco) verbally, kung puwede sa POC. Kami kasi sa PSC, gusto namin mabantayan yung release ng funding, para makasiguro kami kung sino ang hahabulin para sa liquidation,” sambit ng basketball living legend.

Nabuo umano ang plano nang matanggap ni Fernandez ang sagot ng FIVB (Federation Internationale de Volleyball) sa kanyang ‘inquiry’ kung saan iginiit ang ‘status quo’ sa membership ng Philippine Volleyball Federation (PVF) at Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. hangga’t hindi pa nareresolba ang usapin sa general assembly ng federation sa 36th World Congress sa susunod na taon.

“Sumulat ako sa FIVB last month para ma-check yung status ng volleyball, sabi nila ‘status quo’ so hindi kami puwedeng maglabas ng pondo sa LVPI,” sambit ni Fernandez.

Ang LVPI, na pinamumunuan ni POC first vice president Jose Romasanta, ang kinikilala ng Olympic body, ngunit sa kasalukuyan batay sa impormasyon ng FIVB, ang PVF, pinangangasiwaan ni Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada, ang nananatiling miyembro ng international federation.

Nagsasagawa ng tryouts ang LVPI sa kasalukuyan para makabuo ng koponan sa SEA Games.

“Trabaho nila ‘yan, anyway ang SEA Games ay gawain ng POC kaya sila ang may karapatan na mag-accredit ng atleta. Pero kami sa PSC, karapatan naman namin na pangalagaan ang pondo ng taong-bayan, kaya para hindi naman maantala ang preparasyon handa naman kaming gastusan ang pangangailangan ng mga atleta at ng koponan na mabubuo,” sambit ni Fernandez.

“Pero hindi kami responsableng makipag-transaction sa asosasyon na kwestyunable pa ang legality,” ayon kay Fernandez.

Sa sulat ng FIVB na may petsang Pebrero 21, 2017 kay Fernandez, sinabi ng international body sa volleyball na kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang binuong Ad-Hoc Commission hingil sa liderato ng volleyball sa Pilipinas.

“For your reference, the regulatory framework governing the actions of the FIVB Ad-Hoc Commission for the Philippines is the FIVB Constitution, the FIVB General Regulations and the FIVB Disciplinary Regulations, and the Olympic Charter,” pahayag sa sulat ni FIVB General Director Mr. Fabio Azevedo.

“It should be stressed that the FIVB Ad-Hoc Commission for the Philippines is not vested with a decision making power as to determine the membership to the FIVB of the Philippine Volleyball Federation and the Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. Under the FIVB Constitution, this competence rests solely with the FIVB World Congress, which will take a decision in 2018,” ayon sa sulat ni Azevedo. (Edwin G. Rollon)