KAHIT napag-uusapan na nina LJ Reyes at Paolo Contis ang pagpapakasal, hindi pa rin daw puwede dahil may inaayos pa si Paolo sa kanyang first marriage, hindi pa siya annulled. Kaya no marriage proposal pa si Paolo kay LJ.

“At saka hindi pa rin ako ready na magpakasal ngayon,” sabi ng aktres. “Ayaw din naming magmadali ni Pao, gusto muna naming maayos na munang lahat, at saka iyong stable na kami talaga. Gusto ko rin namang lumaki ang anak kong si Aki sa isang buong family. Close na rin siya kay Pao.”

Kaya naka-focus muna si LJ sa afternoon prime drama niyang Pinulot Ka Lang Sa Lupa with Julie Anne San Jose, Jean Garcia, Benjamin Alves, Martin del Rosario mula sa direksiyon ni Ms. Gina Alajar.

Masyado raw intense ang mga eksenang ginagawa nila araw-araw. Natawa si LJ nang tanungin kung nakatikim na siya ng sampal ni Ms. Jean Garcia.

Ellen Adarna, nag-face reveal ng baby girl nila ni Derek Ramsay

“Nakakatawa dahil ako ang kontrabida, pero ako ang nasasampal, kaya nagalit ako at nawala na sa mood nang ako na ang nakatikim din ng sampal kay Jean. Pero siyempre, hindi p’wedeng hindi ko sasampalin naman dito si Julie Anne dahil galit na galit ako sa kanya nang agawin niya sa akin si Ephraim (Benjamin) na mahal na mahal ko. Pero nag-usap muna kami ni Julie, sabi niya mas gusto raw niya ay totoong sampal para one take lang. Totoo naman, mahirap kung hindi mo pa ibibigay nang todo, ‘tapos iti-take-two, mas masakit iyon. Ang sampal kasi mahirap i-fake. ”

May nagsasabing si LJ raw ang next Maricel Soriano dahil kaya niyang gawin ng roles na ginagampanan nito.

“Gusto ko nga po siyang makatrabaho, kahit ma-meet nang personal, hindi ko pa siya nakikilala. Pinapanood ko na noon pa ang movies at TV shows niya. Ang husay-husay niya, comedy man o drama ang gawin niya, kayang-kaya niyang gampanan.

Sana kahit minsan, makasama ko siya sa isang project.”

Napapanood ang Pinulot Ka Lang Sa Lupa araw-araw pagkatapos ng Legally Blind sa GMA-7. (NORA CALDERON)