090317_motobato_05_vicoy_PAGE 2 copy

Boluntaryong sumuko kahapon sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) ang self-confessed hitman ng grupong tinaguriang Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato matapos na isyuhan ng warrant of arrest ng hukuman sa kasong frustrated murder.

Personal na iniharap sa media ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel si Matobato matapos itong sumuko sa MPD-City Hall Detachment dakong 1:45 ng hapon kahapon.

Nabatid na bago dinala sa MPD headquarters sa United Nations Avenue ay nagtungo muna sa Manila Regional Trial Court (RTC) si Matobato kasama ang kanyang abogadong si Atty. Jude Sabio upang maglagak ng P200,000 piyansa sa hukuman.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ito ay kasunod ng paglabas ng kanyang warrant of arrest sa kasong frustrated murder, na inisyu ni Presiding Judge Carmelita Sarno-Davin ng Digos City, Davao del Sur Branch 19 nitong Marso 2, 2017.

Kinasuhan si Matobato ng frustrated murder ng Digos City Prosecutor Office dahil sa pagbaril kay Abeto Salcedo, Jr., dating adjudicator sa Department of Agriculture (DA) sa Digos City noong 2014.

Bukod kay Matobato, kasama rin sa kinasuhan ang mga John Does at isang Atty. Norberto P. Sinsona.

Ayon naman kay Sabio, iprinoseso ang piyansa sa Manila RTC Branch 48 at matapos magpiyansa ay kaagad na ibiniyahe si Matobato sa MPD headquarters.

Nilinaw naman ni Coronel na bagamat Digos RTC ang nag-isyu ng arrest warrant, pinapayagan naman ang isang akusado na makapaglagak ng piyansa sa pinakamalapit na hukuman dito.

Bandang 4:00 ng hapon nang ilabas ni Judge Silverio Castillo ang release order kay Matobato at kaagad siyang pinalaya ng MPD. (Mary Ann Santiago)