‘TILA hindi na mapipigil ang pagdami ng motorsiklo sa mga lansangan.

Dahil sa matinding trapiko, mataas na presyo ng gasolina, kawalan ng mapaparadahan at nakaambang pagtaas sa presyo ng mga sasakyan dahil sa excise tax, puwersado ang mamamayan na sumakay na lang sa motorsiklo.

Lumilitaw tuloy na napilitan lamang ang karamihan ng mga rider na bumili ng motorsiklo dahil sa mga nabanggit na dahilan.

Subalit kinalaunan, maraming rider ang napapasarap sa pagmo-motor.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Bukod sa nakatitipid sa oras at pera sa gasolina at parking fee, nadiskubre ng mga ito na maaliwalas ding magmotorsiklo papunta sa mga lalawigan.

Hindi na makakaila na maging tuwing Linggo ay may mahaba ang pila sa toll plaza ng mga expressway; kahit Linggo ay binabangungot pa rin ang mga motorista sa matinding traffic. Subalit kung kayo ang nakamotorsiklo, maisisingit n’yo ang sasakyan sa pagitan ng mga kotse at bus.

Bago kayo maimbiyerna, hayaan n’yo munang tapusin ko ang kuwento ko.

Dahil sa pagdagsa ng mga rider sa iba’t ibang lalawigan, nabubuhay ang industriya ng turismo sa mga lokalidad.

Dahil sa pagbiyahe ng malalaking grupo ng nagmomotor, nag-uusbungan ang mga karinderya, souvenir shops, pasyalan at maging ang mga museo sa iba’t ibang provincial at municipal government na binibisita ng mga ito.

And’yan din ang pagdami ng mga resort, na nagiging pasyalan din ng mga rider.

Isang magandang halimbawa ang Tagaytay; Tanay, Rizal; Laiya sa San Juan at Nasugbu sa Batangas. Ang mga ito ay kilala nang mga destinasyon ng mga motorcycle group tuwing weekend.

Kadalasan, dahil sa gustong makauwi sa kanilang pamilya pagsapit ng tanghali, nagiging popular din ang mga “breakfast ride.”

Ito ang ibinunga ng pagpapahaba sa North at South expressway. Napakadali at kumbinyenteng bumiyahe para sa mga big bike. Habang ang mga small bike ay nakadadaan naman sa old national highway, relax lang sa kanilang pagbiyahe.

Ito ang naging inspirasyon nina Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at Assistant Secretary Ricky Alegre na isulong ang Moto Tourism.

Sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang motocycle club, at pribadong organisasyon, binubuo na ngayon ang Moto Tourism Council upang isulong ang motorcycle tourism hindi lamang sa Luzon kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Maraming rider ang nagkuwento ng kanilang karanasan sa pagbiyahe ng daan-daang kilometro sakay ng motorsiklo. Anila, walang katumbas ang saya sa pagmo-motorsiklo sa mga lalawigan.

Ano pa ang hinihintay n’yo?

Tara na! Ride na tayo! (ARIS R. ILAGAN)