KALIBO, Aklan - Ipagpapatuloy ng Department of Health (DoH) ang programa nitong “Doctors to the Barrio” kasunod ng pagpatay sa volunteer nitong si Dr. Dreyfuss Perlas, na kinilala ng kagawaran bilang isang bayani.
Ayon kay DoH Secretary Dr. Paulyn Jean Ubial, may 498 na volunteer doctor ang bansa, sa ilalim ng Doctors to the Barrio program, kabilang si Perlas.
“He dedicated his life serving the community in Lanao Del Norte,” sabi ni Ubial, na bumiyahe nitong weekend sa Kalibo International Airport upang personal na makiramay sa mga naulila ni Perlas, na ang labi ay naiuwi na sa bayan nito sa Batan, Aklan.
Personal ding ipinaalam ni Ubial sa pamilya ng 31-anyos na doktor na ang huli ay ginawaran ng posthumous na Bayani ng Kalusugan Award.
Binaril at napatay si Perlas ng hindi nakilalang armado sa Kapatagan, Lanao Del Norte noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ni Ubial na sinimulan na ng National Bureau of Investigation ang imbestigasyon sa pamamaslang kay Perlas.
Bumuhos naman ang panawagan ng hustisya para kay Perlas. (Jun Aguirre at Tara Yap)