Sinibak ang warden ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation (CPDR) kasunod ng sunud-sunod na pagbatikos sa pagpapahubad sa mga bilanggo nang isagawa ang anti-narcotics raid sa piitan kamakailan.
Pinalitan si CPDRC warden Dr. Gil Macato ni Boddy Legaspi bilang officer-in-charge.
Kasabay nito, makikipagtulungan ang Commission on Human Rights (CHR) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jackie de Guia, kailangang makaharap ng komisyon ang mga kinauukulang opisyal at tauhan ng PDEA upang magabayan sila nang maayos sa gagawing pagsisiyasat.
Tinukoy ni De Guia ang UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners at binigyang-diin na “intrusive searches, including strip and body cavity searches, should be undertaken only if absolutely necessary.”
Sa nasabing pagsalakay, nakasamsam ang mga tauhan ng PDEA ng 80 cell phone, 19 na medium-sized na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang laptop computer, dalawang DVD recorder, 60 armas, at P91,000 cash mula sa mga bilanggo.
Nai-turnover na sa Office of the Governor ang pera, habang ang mga cell phone at droga ay ibibigay sa mga forensic expert at sa crime laboratory, ayon sa pagkakasunod.
Isasailalim naman sa disciplinary sanction ang mga bilanggong nahulihan ng nasabing mga kontrabando.
Bagamat iginigiit ng Amnesty International (AI) na hindi makatao ang pagpapahubad sa mga bilanggo, iginiit ng PDEA-Region 7 na ginawa lamang ito para sa “mutual safety”.
Iginiit ni PDEA-7 Director Yogi Filemon Ruiz na pinakamahalaga ang kaligtasan ng raiding team at ng mga bilanggo habang isinasagawa ang raid.
Katwiran naman ni De Guia, dapat na isinagawa sa isang pribadong lugar ang pagpapahubad sa mga bilanggo.
Una nang umapela si Rodolfo Diamante, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC), sa CHR na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang nagpahintulot nito. (May ulat ni Leslie Ann G. Aquino) (CHITO A. CHAVEZ)