ronda copy

Morales, humirit sa Stage 12; LBC Ronda title abot-kamay na.

GUIMARAS – Konting paspas na lamang, maipuputong muli kay Jan Paul Morales ang korona ng LBC Ronda Pilipinas.

Napatatag ng pambato ng Philippine Navy-Standard Insurance ang kapit sa liderato nang pagwagihan ang 40-km Individual Time Trial Stage 12 kahapon sa Kapitolyo ng lalawigan na pamoso sa matamis na mangga.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Hindi kinakitaan ng pangangasim ng mukha ang 31-anyos na si Morales nang walang-abog na pinagharian ang ITT sa tyempong isang oras, limang minuto at 42 segundo.

Sa labis na ratsada, nalagpasan pa ng pambato ng Calumpang, Marikina City ang kasangga na si Rudy Roque at nagtatangkang makasingit na sina Cris Joven ng Kinetix Lab-Army, Go for Gold's Bryant Sepnio, at No. 5 Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR.

“Ayos na ito,” pahayag ni Morales.

‘Hindi pa pisa ang itlog, pero puwede na nating sabihing kaya na nating tapusin na manatili sa unahan,” aniya.

Bumuntot sa kanya sa finish line ang kasanggana si Jay Lampawog (1:09:13) kasunod si Kinetix Lab-Army's Marvin Tapic (1:09:19).

Nakopo ni Morales ang ikalimang lap victory matapos pagbidahan din ang Stage Two criterium sa Vigan, Ilocos Sur, Angeles-Subic Stage Three, Pili-Daet Stage Seven at ang Stage Nine criterium sa Sta. Rosa, Laguna.

Mula sa dikit na dalawang minutong bentahe, napalawig ni Morales ang kain sa oras sa mahigit siyam na minuto sa kasanggang si Roque (38:40:55).

“Masayang-masaya. Hindi ako pinabayaan ng teammate ko. Mula simula hanggang wakas, nandyan sila,” sambit ni Morales, nakatakda sa kasaysayan bilang kauna-unahang rider na nagwagi ng back-to-back sa pamosong cycling marathon.

Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay na premyo sa kampeon kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling and 3Q Sports Event Management.

Iginiit ni Morales na ‘playing safe’ na lamang ang diskarte niya sa pagsibat ng Stage 13 sa distansiyang 209-km Iloilo-Antique-Iloilo ngayon. Nakatakda ang final Stage 14 bukas -- 50-km criterium.

Nasa ikatlong puwesto sa overall si Joven (38:47:57) mahigit pitong minuto ang layo sa lider.

Kabilang sa top 10 sina Sepnio (38:55:05), Navy's Daniel Ven Carino (38:59:07), Dimaano (38:59:24), Navy's Lloyd Lucien Reynante (38:59:54), Navy's Ronald Lomotos (39:00:20, Ilocos Sur's Ryan Serapio (39:01:27) at Kinetix Lab-Army's Reynaldo Navarro (39:02:44).