SAN SIMON, Pampanga – Nasabat kahapon ng pinagsanib na mga operatiba ng Bureau of Customs (BoC)-Intelligence and Investigation Service ng Pampanga at Maynila, ng San Simon Municipal Police, at ng militar ang nasa P2 bilyon halaga ng umano’y pekeng sigarilyo sa limang bodega sa loob ng San Simon Industrial Park sa San Simon, Pampanga.
Walang sinuman sa may-ari o kinatawan ng mga bodega ang nasa lugar nang isagawa ang pagsalakay.
“We were able to trace this after one month of surveillance. A tipster asset confirmed to us that smuggled goods are indeed being shipped here,’’ sinabi ni Capt. Jonel Pogoy, ng BoC, sa Balita.
Natagpuan ng raiding team, na nag-inspeksiyon sa limang bodega, ang libu-libong hinihinalang pekeng sigarilyo sa apat na bodega, habang mga gamit naman sa kusina ang nasa ikalimang bodega.
Sinabi ni Pogoy na posibleng ide-deliver ang mga pekeng sigarilyo sa mga lalawigan sa North at Central Luzon, gaya ng Pangasinan at Pampanga; at maging sa Cebu City at Mindanao.
Bagamat kinumpirmang may paglabag sa pagbubuwis ang may-ari ng mga nakumpiskang kontrabando, sinabi ni Pogoy na hindi maaaring kumpirmahin ng BoC ang mga pekeng sigarilyo hanggang sa makalipas ang 15 araw.
“Since may violation na sa tax, so ang next suspicion natin is counterfeit ba ito? Isa-subject natin ito for further investigation to determine kung ito ay genuine or fake. If it is counterfeit, that is another violation which will be handled by our legal department,’’ paliwanag ni Pogoy.
“We have 15 days to determine that bago ito (items) i-confiscate. Sa ngayon ipa-padlock muna natin at may BoC personnel tayo na magbabantay nito para masiguradong hindi magagalaw ang ebidensiya,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Pogoy na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay matutukoy ang may-ari o umuupa sa mga bodega, at kung mapatutunayang may mga paglabag ay sasampahan ng kaukulang mga kaso ang mga ito.
“We will coordinate with the BIR and other proper authorities of their violations,’’ sabi pa ni Pogoy.
(FRANCO G. REGALA)