ALAS sais pa lang ng umaga pero madugo na ang traffic sa C-5 Road.

Dati, kapag ganitong oras ay magaan pa ang daloy ng mga sasakyan at halos 30 minuto lamang ang itinatagal sa biyahe ni Boy Commute mula sa kanyang bahay hanggang sa opisina.

Alas sais pa lamang ng umaga ay nakasimangot na ang pobreng commuter dahil alam niya, tiyak na late na naman ang kanyang pagdating sa opisina at kasado na ang sermon ng kanyang amo.

Ganito na lang ba talaga ang buhay nating mga taga-Metro Manila? Wala na ba talagang solusyon ang matinding traffic na nararanasan natin araw-araw?

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Sandali muna. Habang nakasakay sa jeepney si Boy Commute ay nadaanan niya ang tatlong sasakyang nagkarambola malapit sa panulukan ng Kalayaan Avenue.

Halos kinain ng dalawang kotse at isang UV Express van ang buong kalsada dahil iniwan ang mga itong nakahambalang ng kani-kanilang driver.

Namataan ni Boy Commute ang tatlo habang nasa tabi ng kalsada at nagtuturuan kung sino ang talagang responsable sa insidente.

Habang nagsisigawan ang tatlo ay nagdurusa naman ang mga motorista na naipit sa traffic, na pinalala ng naghambalang nilang mga sasakyan.

Walang nakitang pulis o traffic aide si Boy Commute sa lugar.

Ganito na lang ba talaga tayo? Bakit hindi na lamang kuhanan ng litrato ng tatlong driver ang kanilang mga sasakyan, ang posisyon ng mga ito sa kalsada at ang mga nasirang parte ng kotse at van sa banggaan.

Mayroon nang modernong teknolohiya upang agad na maidokumento ang mga insidente sa lansangan.

Tulad ng nakaugalian ng mga traffic investigator sa pagkuha ng isang pribadong photographer na kukuha ng mga larawan ng mga nagbanggang kotse bilang bahagi ng documentation, bakit hindi natin magawa ito sa pamamagitan ng ating cell phone?

Kung ikukumpara n’yo sa pinaglumaang camera na karaniwang gamit ng mga photographer ng pulisya, mas maganda pa ang kalidad ng larawan na kuha ng mga modernong cell phone.

Kung ginagamit ng husgado ang mga larawan na kuha ng police photographer, mas pakikinabangan nito ang litratong galing sa smart phone.

Bukod dito, agad na maipadadala ang mga larawan sa pamamagitan ng email, Instagram, Viber o Facebook.

Dahil sa paghihintay sa pagdating ng pulis na may bitbit na photographer ay napapatagal ang pag-alis sa mga nakahambalang na kotse sa kalsada.

Sa halip na maayos ang daloy ng mga sasakyan, nakapagpapalala pa ang mga kotseng nasangkot sa banggaan sa sitwasyon.

Sabagay, kung ikaw ang traffic investigator, bakit mo naman ilalaglag ang bitbit mong photographer.

Takot ka bang mawalan ka ng “takits”? (ARIS R. ILAGAN)