WALANG sinumang hindi naghahangad na magkaroon ng tunay at pangmatagalang katahimikan hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa buong kapuluan; dantaon na nating inaasam ang gayong pangarap.

Bagamat may matinding pagpapahalaga sa kapayapaan, hindi ako naniniwala na sisilang ang tinatawag na ‘lasting peace’ kung magkakasalungat ang paninindigan ng mga kalahok sa peace talks na isinusulong ng ating gobyerno at ng iba’t ibang grupo ng mga rebelde.

Nakita na natin ang mistulang kamatayan ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at ng CPP/NPA/NDF dahil lamang sa pagmamatigasan sa isyu hinggil sa bilateral ceasefire. Nakabitin pa ang nasabing usapan at nagpapakiramdaman ang magkabilang panig na mistulang naggigirian; hindi malayong ito ay maipagpatuloy lalo na kung may ‘compelling reason’ na ‘tila isinasaalang-alang naman ng peace talks panels.

Ganito rin ang aking pananaw sa paglulunsad kamakailan ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na pinangunahan ni Pangulong Duterte sa Davao City. Dinaluhan ito ng 21 miyembro na binuo alinsunod sa Framework Agreement on the Bangsamoro na pinagtibay noong 2012 sa panahon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino. Ang BTC ay nilikha ng Executive Order No. 8 upang tiyakin ang angkop na uri o anyo ng gobyerno para sa Bangsamoro regions.

Sa kabila ng ipinangangalandakang makabuluhang intensiyon ng BTC, hindi napapawi ang mga agam-agam sa pagtatamo ng hinahangad nating katahimikan, lalo na kung iisipin na ang BTC ay produkto ng kasunduan ng nakalipas na administrasyon at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ibig sabihin, hindi naging bahagi o hindi man lamang yata sinangguni ang pamunuan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ang iba pang grupo ng mga Muslim na tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na matagal nang nagsusulong ng mga panukala hinggil sa paghahari ng katahimikan.

Naniniwala ako na hindi dapat kinaligtaang pakinggan ang panig ng... iba pang grupo ng mga rebeldeng pinamumunuan ng Abu Sayyaf Group (ASG) at Maute. Totoo na ang mga ito ay maituturing na mga pusakal sa pagpatay at pagkidnap subalit hindi maitatanggi na sila ay bahagi rin ng Muslim community na maaaring kamag-anak pa ng mga miyembro ng MILF at MNLF. Hindi pa huli ang lahat upang magkasundo ang mga kapwa Muslim; akayin sila sa landas ng katahimikan; ilayo sa kasumpa-sumpang paghahasik ng karahasan na nagiging dahilan ng pagdanak ng dugo ng pare-parehong mga Pilipino.

Tungkulin nating lahat — hindi lamang ng mga tauhan ng gobyerno kundi maging ng mga mismong kalahok sa peace talks at ng mismong mga rebelde — na makiisa sa mithiin ni Pangulong Duterte tungo sa pagtatamo ng kapayapaan. Sabi niya: ‘One nation, one flag’ para sa sambayanang Pilipino. (Celo Lagmay)