MINSAN pang nalubos ang aking paniniwala na talagang tagibang ang pagpapatupad ng batas, lalo na sa mga kilala at makapangyarihang sektor ng sambayanan; na magkaiba ang batas ng maralita at ng nakaririwasa.
Sa seryosong pagsubaybay sa tila pelikulang pagdakip kay Senador Leila de Lima, halimbawa, lalong nalubos ang aking paniniwala na mistulang naipakikiusap ang oras at petsa ng paghahain ng warrant of arrest sa mga hinihinalang nagkasala; itinakda sa 10:00 ng umaga kahapon ang pag-aresto sa kanya sa Senado, hindi sa kanyang bahay. Gayunman, napaaga ang pagdakip sa kanya at mabilis na dinala sa Camp Crame.
Sa pagtalakay ng naturang isyu, hindi ko na tatangkaing busisiin ang mga detalye ng isinampang mga asunto laban sa ating Senador; kung siya ay biktima rin ng tagibang na pagpapairal ng mga batas o kung talagang nababahiran ng pulitika ang sinasabing pagkakasadlak niya sa karma, tulad ng isinisigaw ng kanyang mga kritiko na umano’y nasagasaan niya kaugnay ng kanyang pagtupad sa tungkulin bilang Department of Justice Secretary at dating Commission on Human Rights Chairman.
Kung saan man hahantong ang pagkakaaresto kay De Lima, natitiyak ko na hindi siya nag-iisa sa sinapit niyang kapalaran. Biglang sumagi sa aking utak ang ating mga dating Senador na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada na parehong nakakulong ngayon sa Camp Crame detention center. Gayundin si dating Senador Juan Ponce Enrile na pinayagan ng Sandiganbayan upang pansamantalang makalaya. Hindi natin malilimutan ang matagal ding pagkakakulong ni dating Pangulo at ngayon ay Kongresista Gloria Macapagal Arroyo; dumanas ng matinding pagdurusa matapos palayain kamakailan ng husgado.
Mawalang-galang na sa mga nakikinabang sa maluwag na pagpapatupad ng warrant of arrest, talagang iba ang tinitingnan kaysa sa tinititigan, wika nga. Madaling dakipin ang sinumang hinihinalang nagkasala kung nanaisin ng mga arresting officers.
Hindi marahil isang kalabisang pahapyaw na sariwain ang marami-rami rin namang warrant of arrest na inihain sa akin nang ako ay aktibo pang editor ng pahayagang ito. Ipinadadakip ako hindi sa mga asuntong pagpatay, panggagahasa, pandarambong ng salapi ng bayan at pagsasamantala sa tungkulin; inihabla ako dahil sa kasong libelo – ang asunto na malimit ituring na kakambal ng mga miyembro ng media kaugnay ng pagtupad natin sa misyon bilang mga mamamahayag. Ang gayong asunto ay isinasampa laban sa mga editor batay naman sa mga report na isinulat ng ating mga reporter; madalas sabihin na ang mga editor ay tulad ng bawang na kasama sa lahat ng lutuin, wika nga.
Taliwas sa madramang pag-aresto, natitiyak ko na ang ating mga kapatid sa propesyon na nahaharap sa pagdakip ay kaagad sumusuko sa husgado nang walang pagtutol. Nobody is above the law, wika nga. (Celo Lagmay)