Inilabas na kahapon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang arrest warrant laban kay Senator Leila de Lima, at inaasahang darakpin na ang senadora anumang oras simula kahapon.

Ang pagpapalabas ng arrest warrant ni Judge Juanita Guerrero, ng Muntinlupa RTC Branch 204, ay taliwas sa una nang sinabi ng korte na ngayong Biyernes pa lang diringgin ang motion to quash na isinampa ng kampo ni de Lima kaugnay ng mga kinakaharap na kaso ng senadora.

Una nang sinampahan ng Department of Justice (DoJ) ng tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang senadora kaugnay ng bentahan umano ng ilegal na droga sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

KASAMA SINA DAYAN, RAGOS

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bukod kay De Lima, kabilang din sa mga ipinaaaresto ng korte ang mga kapwa akusado niyang si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos; at ang dating driver ng senadora na si Ronnie Dayan.

Nakasampa pa ang dalawang kaso kontra kay De Lima sa Muntinlupa RTC Branch 205, sa sala ni Judge Amelia Fabros-Corpuz; at sa sala ni Judge Patricia Manalastas-de Leon, ng RTC Branch 206.

Kaagad namang sumugod sa Senado sa Pasay City kahapon ang mga magpapatupad ng arrest warrant, subalit matagal na nanatili sa kanyang tanggapan si De Lima dahil hindi pa niya natatanggap ang kopya ng warrant.

Una nang sinabi ni Senate President Aquilino Pimentel III na hindi maaaring arestuhin si De Lima sa loob ng Senado, partikular sa session hall.

HANDA NA

Matatandaang sinabi ni De Lima noong nakaraang linggo na inaasahan na niya ang madaliang pagdakip sa kanya ngayong linggo, at handa na rin umano siya rito.

Sa katunayan, aniya, nakapag-empake na siya ng ilan niyang personal na gamit, at maayos na ring nakapagpaalam sa kanyang mga kaanak, empleyado at kaibigan. (BETH CAMIA at LEONEL ABASOLA)